top of page
Search

Elemento ng self-defense

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 23, 2024



ISSUE #337


Isang hindi inaasahan na pamamaslang ang naganap sa pagitan ng mga partido sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na sina Expedito at Sabino. 


Naganap ang malagim na insidente noong ika-19 ng Mayo 2022, sa Dicayas, Dipolog City. Insidente na sa isang banda ay nagdulot ng kamatayan ni Expedito, sa pagiging malubhang sugatan ni Sabino at ang kalaunan niyang pagharap sa kasong homicide na umabot sa hukuman ng mga apela na pinamagatang People of the Philippines vs. Sabino Limbaga Rodrigo (CA-G.R. CR HC No. 02501-MIN, September 17, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Lorna Francisca Catris-Chua Cheng. Sabay-sabay nating tunghayan ang kanilang magiging legal na kapalaran.


Batay sa bersyon ng depensa, alas-7:30 ng gabi, noong ika-19 ng Mayo 2022, nakaupo sa isang bangko si Sabino. Katabi at napapagitnaan diumano siya nina Virgilio at John. Habang siya ay nagbibilang ng kanyang kinita sa pagbebenta ng isda noong araw na iyon ay mabilis na naglakad papalapit sa kanya si Expedito na merong hawak na isang bagay na nababalot ng tela. Bigla na lamang diumano sinaksak ni Expedito ng bolo si Sabino sa dibdib at sila ay kapwa natumba. Sinubukan pa umanong saksakin muli ni Expedito ang noon ay duguan nang si Sabino. Sila ay nagpangbuno para sa naturang patalim. Nahawakan diumano ni Sabino ang kamay ni Expedito at nasiko niya rin ang huli, dahilan upang makuha niya ang bolo. Sinubukang kuhanin ni Expedito mula kay Sabino ang bolo at sa puntong iyon ay nasaksak ni Sabino si Expedito gamit ang naturang bolo.


Nakita umano ni Virgilio nang saksakin ni Expedito si Sabino. Nakainom umano si Expedito at inakala ni Virgilio na mamamatay na si Sabino bunsod ng pagkakasaksak dito. Nakita rin umano ni Virgilio nang subukang saksaking muli ni Expedito si Sabino at narinig niya umano na sinabi ni Expedito na papatayin niya si Sabino. Ayon pa kay Virgilio, marahil hindi umano titigil si Expedito sa pag-atake kay Sabino kung hindi nito nakuha ang patalim.


Matapos na masaksak ni Sabino si Expedito ay nanatili lamang siya sa pinangyarihan ng insidente. Inakala ni Virgilio na patay na si Sabino dahil hindi ito nagsasalita at patuloy ang pag-agos ng dugo mula sa dibdib nito. Dahil sa hindi pagtigil na pagdurugo ng dibdib ni Sabino, agad siyang sinugod sa ospital.


Sa CCTV footage na kuha mula sa covered court malapit sa pinangyarihan ng insidente, nakita umano na nakaupo si Sabino noong gabing iyon. Napapagitnaan diumano siya nina Virgilio at John nang biglang dumating si Expedito na merong hawak na isang nababalot na bagay, na kalaunan ay napag-alaman na isang bolo. Sinaksak diumano ni Expedito si Sabino sa dibdib at kapwa umano sila natumba. Matapos iyon ay wala nang iba pang nakita na footage. 


Nanatili lamang diumano si Sabino sa pinangyarihan ng insidente hanggang sa makarating ang mga pulis at mga tanod ng barangay at siya ay inaresto.


Batay sa pahayag ni PSSG. Inclan, ang pulis na nag-imbestiga sa naturang insidente, wala umanong kumosyon o komprontasyon sa pagitan ni Expedito at Sabino bago maganap ang pananaksak. 


Si Expedito rin ay meron nang tala sa barangay kaugnay sa gulo na ginawa nito tuwing siya ay nakakainom. Diumano, bago ang insidente ng pananaksak kay Sabino, nasangkot na si Expedito sa isa pang insidente ng pananaksak. Sa pagkakaalam din umano ni PSSG. Inclan, meron nang kasong homicide na naisampa laban kay Expedito at ang nasabing biktima ay nakulong na rin.


Pagsamo ni Sabino sa Regional Trial Court (RTC) ng Dipolog City ay “not guilty”. Hindi niya itinanggi na siya ang sumaksak kay Expedito, subalit iginiit ni Sabino na nagawa lamang niya iyon bilang pagdedepensa sa kanyang sarili.


Bagaman hindi tumutol ang tagausig sa ebidensiya na isinumite ng depensa at hindi rin ito nagprisinta ng sariling ebidensiya, iginiit ng tagausig na hindi makatwiran ang ginawang pananaksak ni Sabino kay Expedito na siyang naging sanhi ng pagpanaw ng huli. 


Diumano, noong nakuha na ni Sabino ang bolo ay wala nang banta sa kanyang buhay. Kung kaya’t hindi umano maituturing na ganap na depensa sa sarili ang ginawang pananaksak ni Sabino.


Noong ika-13 ng Pebrero 2023 nang magbaba ng desisyon ang RTC. Guilty ang paghatol kay Sabino. Ang parusa na iginawad sa kanya ay pagkakakulong ng hindi bababa sa 10 taon bilang minimum hanggang 14 na taon, 8 buwan at 1 araw, bilang maximum. 


Maliban dito, pinagbabayad din si Sabino ng P50,000.00 bilang bayad-pinsala at P50,000.00 bilang moral damages para sa mga naulila ng biktima at ang cost of suit. 


Sang-ayon ang RTC na hindi umano makatarungan ang ginawa na pagsalakay ni Expedito at walang sapat na probokasyon sa parte ni Sabino. Subalit, hindi umano makatwiran ang pananaksak ni Sabino sapagkat noong punto umano na sinaksak niya si Expedito ay hindi na umano armado ang huli. Kung kaya’t wala na umanong panganib kay Sabino na magbibigay katwiran upang saksakin pa niya si Expedito.


Dahil hindi pabor sa naturang desisyon ay agad na naghain si Sabino ng kanyang apela. Iginiit ng depensa, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan H. J. A. Franje-Celestiano mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao, na umakto lamang si Sabino bilang ganap na pagtatanggol niya sa kanyang sarili o complete self-defense.


Ang Office of the Solicitor General (OSG) naman ay naghain ng Manifestation and Motion in Lieu of Brief na kung saan inirerekomenda nito ang pagpapawalang-sala kay Sabino. Makatarungan diumano na pagdedepensa sa kanyang sarili ang ginawa ng nasasakdal dahil meron kagyat na pagbabanta sa kanyang buhay.


Sa masiyasat na muling pag-aaral ng CA Cagayan de Oro City sa naturang apela, kinatigan ng hukuman ng mga apela ang panig ng depensa. 


Ang mga elemento ng balidong self-defense, alinsunod sa Artikulo 11 ng ating Revised Penal Code, ay ang mga sumusunod: (1) unlawful aggression o hindi makatarungan na pagsalakay ng biktima; (2) reasonable necessity o makatwiran na pamamaraan na ginawa ng taong dumedepensa sa kanyang sarili upang salagin ang pagsalakay sa kanya; at (3) lack of sufficient provocation o walang sapat na probokasyon sa parte ng taong dumedepensa sa kanyang sarili para siya ay salakayin ng biktima.


Ipinaliwanag ng kagalang-galang na hukuman na sa kaso ni Sabino, hindi umano kuwestyunable ang una at ikatlong elemento ng self-defense. Ang tanong na lamang na kailangan na mabigyan ng linaw ay kung naitaguyod ba ang ikalawang elemento – kung makatwiran ba ang pamamaraan na ginawa ni Sabino bilang pagdedepensa sa kanyang sarili?


Masinsin na ipinaliwanag ng CA Cagayan de Oro City na ang hinihingi ng batas kaugnay sa ikalawang elemento ng self-defense na reasonable necessity ay hindi nangangahulugan na absolute necessity. 


Bagkus, ang kinakailangan na maitaguyod ay rational necessity o ang pag-iisip ng nasa angkop na katwiran. Ito ay sa kadahilanan na ang isang tao umano na sinasalakay at ginagawan ng karahasan ay hindi karaniwan na makakapag-isip nang may sapat na katiwasayan o kapanatagan, o makakapaghambing nang may katahimikan ng pagpapasya. Diumano, ang pangunahin na iisipin ng naturang tao ay ang depensahan ang kanyang sariling kaligtasan.


Sa nangyari umano kina Sabino, bagaman nakuha niya ang bolo mula kay Expedito at napasakamay niya ito ay makatwiran na isipin niya na patuloy pa rin ang panganib sa kanyang buhay dahil sila ay patuloy pang nagpangbuno at sinubukan pa siyang saksakin muli ni Expedito. 


Kung kaya’t, para sa hukuman ng mga apela, balido umano na pagtatanggol sa kanyang sarili ang gamitin ni Sabino ang natatanging sandata na maaari niyang magamit noong punto na iyon. 


Kung susuriin din ang kabuuang pangyayari, masasabi na hindi kriminal na pag-iisip ang naghimok kay Sabino na saksakin si Expedito. 


Bagkus, ang kanyang pagnanais na depensahan at protektahan ang kanyang sarili ang naghimok sa kanya na saksakin ang biktima nang walang taros.


Kung kaya’t ipinag-utos ng CA Cagayan de Oro City ang pagbaliktad at pagsantabi ng naunang desisyon ng RTC Dipolog City at igawad ang pagpapawalang-sala kay Sabino.

Ang desisyon na ito ng CA Cagayan de Oro City ay naging final and executory noong Setyembre 17, 2024.


Lubos na nakalulungkot ang mga pangyayari na tulad ng sinapit nina Sabino at Expedito. Kapwa sila lubos na nasaktan, ang isa ay nauwi pa sa kanyang kamatayan. Hindi natin lubos na mauunawaan o malalaman ang tunay na dahilan ni Expedito upang gawin ang naging pananalakay niya kay Sabino. 


Gayunman, sana ay makamit pa rin niya ang katahimikan sa kabilang buhay. Para naman kay Sabino, nawa’y maipagpatuloy niya ang buhay nang may bagong pag-asa; at sana maibalik pa ang mainit na pagtanggap sa kanyang pinagmulang tahanan at pamayanan.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page