top of page
Search
BULGAR

Elemento ng Acts of Lasciviousness

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Abril 27, 2024


ANG bawat kaso ay mayroong dalawang panig, panig na mayroong kani-kanilang alegasyon at bersyon ng pangyayari. Sadyang mahirap manimbang, lalo na kung personal na paniniwala at damdamin ang paiiralin. 


Kung kaya’t napakahalaga na may patas na hukuman upang bumalanse sa pagitan ng nag-aakusa at inakusahan. Nakakabawas ito sa malaking bilang ng mga kaso na nagiging sanhi ng pagdaing ng mga taong apektado nito – silang nasa mundo pa ng mga buhay at silang naroroon na sa hukay. 


Ating tunghayan ang legal na kinahinatnan ng parehong panig na nag-akusang itago na lang natin sa “AAA” at ang inakusahang itago na lang natin sa “XXX,” hango ito sa isa na namang kaso na hawak ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. XXX (CA-G.R. CR No. 47947, February 6, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Perpetua Susana T. Atal-Pano. Nawa’y makapulot tayo ng aral sa mga naging basehan ng desisyon ng hukuman.


Si XXX ay naharap sa kasong Acts of Lasciviousness na paglabag sa Article 336 ng ating Revised Penal Code (RPC), as amended, in relation to Section 5 (b), Article III ng Republic Act No. 7610 (RA 7610) o mas kilala bilang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act”.


Batay sa testimonya na naisinumite ng tagausig sa hukuman, maghahating-gabi noong Oktubre 17, 2021, natutulog umano sa sala ng kanilang bahay si AAA na kasalukuyang 8-anyos pa lamang. Nakaramdam umano siya na mayroong humawak sa tagiliran ng kanyang tiyan, kung kaya’t napasigaw siya. 


Si XXX umano ang kanyang nakita, na noon ay amoy alak din. Agad na pinuntahan si AAA ng kanyang lola, at nakita si XXX na nasa pintuang tumalilis. Dahil umano rito, agad silang nagtungo sa barangay hall upang magpatulong, at kalaunan nga ay nadampot si XXX.


Ayon kay AAA, hindi umano nakatira sa kanila si XXX ngunit kilala at tinatawag pa niya itong “kuya”. 


Ayon naman sa testimonya ng kanyang lola, nakilala niya na si XXX na kanyang nakita palabas ng kanilang bahay sa tulong ng mga ilaw sa kalsada. Kilala rin niya si XXX dahil kinupkop nila ito nang halos limang taon. Mula noong 16-anyos pa lamang ito, pero, may 8 years na rin umano natigil ang kanilang ugnayan, mula nang makulong si XXX dahil sa pagnanakaw. Isang linggo bago umano ang insidente, pumunta pa si XXX sa kanilang bahay ngunit hindi na umano nila pinayagan na tumira ito sa kanila dahil sa kinasangkutang gulo nito. Gayunman, pinapagamit pa rin nila ang kanilang palikuran upang makaligo at makapaglaba pa rin ito habang ang naging tulugan ni XXX ay ang basketball court.


Bagaman hindi personal na nakita ng lola ni AAA ang akto ng panghihipo o nanggaling si XXX sa kanilang sala dahil siya noon ay nasa kanyang silid, ang pinagbatayan umano niya ay ang sinabi ni AAA na ginawang panghihipo nito sa kanya.


Maliban sa sinumpaang salaysay ni AAA at ng kanyang lola, isinumite ng tagausig bilang ebidensya ang sinumpaang salaysay ng nanay ni AAA, magkasanib na sinumpaang salaysay ng dalawang barangay tanod na tumugon sa hininging tulong matapos ang insidente, Birth Certificate ni AAA, Spot Report at Blotter Report.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni XXX. Ayon sa kanyang testimonya, bandang alas-11:15 ng gabi noong petsa na nabanggit ay kasama niya umano ang kanyang apat na kaibigan. Sila umano ay kumakain sa palengke at matapos ang kanilang pagkain ay nagtungo na sila sa barangay hall. Nagulat na lamang umano siya nang pinapasama na siya ng dalawang barangay tanod dahil umano sa reklamong panghihipo laban sa kanya. 


Sa kanyang pagpapatuloy ng kanyang testimonya, inilahad ni XXX na hindi niya magagawa ang ibinibintang laban sa kanya sapagkat malapit siya sa ilang kaanak ng biktima, isa na rito ang lola ni AAA. 


Ang hula umano ni XXX, pinaparatangan siya para tuluyan na siyang mawalan ng ugnayan sa nasabing pamilya.


Pinabulaanan din ni XXX na siya ay kinupkop ng pamilya ni AAA. Tumira lamang diumano siya nang wala pang isang buwan sa bahay ng mga ito dahil kinuha siya ng lolo ni AAA bilang manggagawa sa bukohan. 


Bumalik umano siya sa kanyang pamilya noong Setyembre 2021 at doon tumira hanggang bago siya maaresto. Nagtungo lamang umano siya muli sa bahay ng lolo ng biktima dahil sa trabaho na inialok umano sa kanya, pero hindi rin umano natuloy. Gayunman, nagtinda-tinda siya ng mga gulay at sa basketball court siya natutulog dahil pinayagan umano siya na roon na lang matulog.


Hatol na conviction ang ibinaba ng Regional Trial Court (RTC) kay XXX, na agad naman niyang inapela sa Court of Appeals (CA). 


Iginiit ni XXX na hindi napatunayan ng tagausig ang lampas sa makatuwirang pagdududa ng mga elementong ibinibintang sa kanya.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni XXX, nakumbinsi ang CA na nagkulang nga ang tagausig sa pagpapatunay ng bintang nito laban sa inakusahan.


Batay sa ipinalabas na desisyon ng CA na naging pinal na, bagaman napatunayan ng tagausig ang murang edad ng biktima na isa sa mga elemento ng krimen, hindi naman umano napatunayan ang ibang elemento na hinihingi ng batas. Ipinaalala ng appellate court sa apelang ito ang mga elemento ng Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng RPC, as amended, in relation to Section 5 (b), Article III ng Republic Act No. 7610 (RA 7610), na sumusunod: 


(1) The accused commits the act of sexual intercourse or lascivious conduct;


(2) The said act is performed with a child exploited in prostitution or subjected to other sexual abuse; and


(3) The child, whether male or female, is below 18 years of age.


Karagdagang paalala rin ng CA sa mga elemento ng Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng RPC, na nakasaad sa ibaba:  


(1) That the offender commits any act of lasciviousness or lewdness;


(2) That it is done under any of the following circumstances: 


a) Through force, threat or intimidation;

b) When the offended party is deprived of reason or otherwise unconscious;

c) By means of fraudulent machination or grave abuse of authority;

d) When the offended party is under twelve (12) years of age or is demented, even though none of the circumstances mentioned above be present; and


(3) That the offended party is another person of either sex.


Para sa CA, ipagpalagay man umano na hindi nga nagpabagu-bago ng salaysay ang biktima na siya ay hinawakan ni XXX, hindi naman umano napatunayan ang mahalay na akto o pag-uugali o lascivious conduct ng inakusahan alinsunod sa hinihingi ng batas. Paliwanag ng hukuman, sa panulat ni Honorable Associate Justice Atal-Pano ng 6th Division:


“The prosecution failed to prove that accused-appellant engaged in lascivious conduct, which is defined as "the intentional touching, either directly or through clothing, of the genitalia, anus, groin, breast, inner thigh, or buttocks, or the introduction of any object into the genitalia, anus, or mouth, of any person, whether of the same or opposite sex, with an intent to abuse, humiliate, harass, degrade, or arouse or gratify the sexual desire of any person, bestiality, masturbation, lascivious exhibition of the genitals or pubic area of a person.”


Naging kapuna-puna rin sa CA na batay mismo sa testimonya ng biktima, hindi nagtagumpay ang inakusahan na ipasok ang kanyang kamay sa loob ng shorts nito sapagkat agad umano itong sumigaw nang maramdaman na mayroong humawak sa kanyang tagiliran. 


Para sa CA, nagdagdag na umano ng detalye ang tagausig nang ipagpalagay nito na hinipuan ang biktima, gayung hindi naman natuloy na maipasok ng ang kamay nito sa shorts.


Ayon din sa desisyon ng appellate court, hindi maituturing na si AAA ay “child exploited in prostitution or subjected to other sexual abuse,” sapagkat hindi umano napatunayan na gumawa si XXX ng mahalay na akto kay AAA, o na may pamimilit siyang ginawa sa biktima.


Bagaman hindi umano isinasang-tabi ng CA na ang paghawak sa tagiliran ng biktima ay hindi katanggap-tanggap, subalit kung ito lamang umano ang pagbabatayan at wala ang ibang mga elemento ng krimen, hindi umano maaaring patawan ng kaparusahan ang inakusahan.


At, dahil nga hindi napatunayan ng tagausig na ginawa ni XXX ang lahat ng mga elemento ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa o beyond reasonable doubt, nararapat lamang umano na siya ay mapawalang-sala.


Ang kasong ito ay isang patunay at muling paalala na batas at batas pa rin ang iiral at mangunguna. Maaaring hindi kaaya-aya ang isang gawain sa mata ng ordinaryong mamamayan o mali ito batay sa ating personal na paniniwala. Subalit kung ito ay hindi maituturing na krimen dahil kulang ang mga elemento alinsunod sa hinihingi ng batas, pagpapawalang-sala pa rin sa akusado ang magiging pagwawakas.


Kung kaya’t sa mga taong mayroong kinakaharap na kasong kriminal, na malinis ang konsensya sapagkat sadyang sila ay hindi lumabag sa batas, huwag mawalan ng pag-asa at pananampalataya. Maaaring sa kasalukuyan ay hirap ang inyong dinaranas na tila kayo ay inilibing na at wala nang naghihintay na bukas. Subalit umasa pa rin kayo na makikita ng hukuman ang katotohanan, magtiwala na kalayaan ang naghihintay sa inyong kinabukasan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page