top of page

Eleksyon ng ‘Pinas, protektahan laban sa mga dayuhan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 26, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa tuwing sasapit ang halalan, umaasa ang mamamayan sa isang malinis at patas na botohan. 


Isa itong panahon ng pagdedesisyon, panahon ng pag-asa — na sana, sa pamamagitan ng balota, ay maririnig ang mamamayan. Pero paano kung ang halalan ay nilalason ng mga banyagang kamay? Paano kung ang desisyon ng bayan ay ginagambala ng mga puwersang dayuhan na walang pakialam sa tunay na kapakanan ng Pilipino?


Nakakabahala, nakakagalit, at higit sa lahat ay nakakatakot. Kaya naman ikinabahala ng Malacañang ang mga ulat na diumano’y manghihimasok ang China sa darating na 2025 midterm elections. 


Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, may indikasyon na mayroong mga information operations na isinusulong ang mga Chinese state-sponsored groups sa Pilipinas.


Ang mga ganitong operasyon ay ginagamitan ng mga lokal na proxy o third party individuals upang palakasin ang naratibong pabor sa interes ng China.


Agad itong umabot sa Pangulo, kaya’t iniutos ang mas malalim na imbestigasyon upang tukuyin ang katotohanan sa likod ng naturang isyu. Hindi ito ang unang beses na ginamit ang disinformation para impluwensyahan ang halalan. Sa ulat ng Taiwan FactCheck Center, naitala rin ang malawakang paggamit ng mga pekeng impormasyon at larawan sa panahon ng eleksyon sa Estados Unidos at Taiwan. Kadalasan, sinasadyang baluktutin ang mga pahayag o kulang-kulang na detalye ang ibinabahagi upang magduda ang publiko. 


Sa Taiwan, lumaganap pa ang takot tungkol sa posibilidad ng digmaan laban sa China, gamit ang mga naratibong nagpapakita na mahina ang militar ng Taiwan at walang kakayahang protektahan sila ng Amerika. Mga halimbawa ito kung paanong ginagamit ang disimpormasyon bilang sandata sa modernong digmaan — hindi na gamit ang bala, kundi ang kasinungalingan.Sa kabila ng mga alegasyong ito, mariing itinanggi ng China ang mga paratang. 


Ayon sa Foreign Ministry spokesperson na si Guo Jiakun, wala umanong interes ang Beijing na makialam sa eleksyon ng Pilipinas. Subalit sa isang pagdinig sa Senado, inamin ni Malaya na may mga kandidatong umano’y pinapaboran ang China, habang binabawasan naman ang tiwala ng publiko sa iba. 


Maging ang Commission on Elections (Comelec) ay kinumpirma na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa intelligence agencies ukol sa mga social media bots na galing sa ibang bansa na may layuning sirain ang imahe ng halalan at ng Comelec mismo.


Sa harap ng ganitong banta, dapat tayong maging mapagmatyag. Hindi sapat ang pagiging masigasig sa pagboto, dapat ding alamin ang pinagmumulan ng impormasyong ating pinaniniwalaan. Ang laban para sa isang malinis na halalan ay hindi lang responsibilidad ng gobyerno, kundi ng bawat mamamayan. Huwag nating hahayaan na ang mga dayuhan ang magdikta ng ating kinabukasan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page