ni Ryan Sison @Boses | April 29, 2024
Inaasahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang paunang batch ng humigit-kumulang 20,000 units ng automated counting machines na gagamitin sa 2025 national at local elections ng bansa.
Sa isang interview, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nasa “full speed” na sila ngayon sa paghahanda para sa susunod na eleksyon, kung saan nagsimula na rin ang manufacturing ng mga counting machine ng South Korean firm na Miru Systems dalawang linggo na ang nakakaraan.
Ayon kay Garcia, umaasa ang kagawaran na itong darating na Agosto ay makakapag-deliver na ang naturang kumpanya ng inisyal na humigit-kumulang 20,000 units ng automated counting machine.
Gayundin, bago matapos ang December ay made-deliver naman ang kabuuang 110,000 machines na gagamitin. Aniya pa, rerentahan na lang ang mga ito at gagamitin para sa susunod na eleksyon.
Binigyang-diin ng Comelec chairman na hindi kaya ng Comelec na magkaroon ng anumang pagkaantala o delay sa kanilang timeline upang hindi malagay sa alanganin ang midterm elections sa May 2025.
Limang buwan pagkatapos nito, o sa October 2025, ang poll body ay nakatakdang isagawa ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Magugunitang nitong Marso ay nilagdaan ng Comelec at Miru ang P17.99 billion contract para sa pagbili o procurement ng bagong automated election system para sa 2025 elections. Ang kontrata ay sumasaklaw sa tinatayang 110,000 machines at peripherals kabilang ang mga ballot box, laptops, at iba pang mga printing requirement para sa halalan.
Sina Comelec Commissioners Rey Bulay, Aimee Ferolino, at Marlon Casquejo ay lumipad din sa South Korea ilang linggo na ang nakalipas upang suriin ang mga automated counting machine na binubuo ng Miru para sa midterm elections.
Ang mga Miru official, sa pangunguna ni CEO Jinbok-Chung, ay ipinakita sa mga Comelec commissioner ang step-by-step manufacturing process nito.
Ipinakita rin sa kanila ang features ng machine na hiniling ng Comelec, kabilang na rito ang mabilis na paraan ng paglalagay ng mga balota sa makina, ang summary of votes na maaaring i-display sa screen, isang shroud sa screen upang maiwasan ang pagsilip, at ang hiwalay na lalagyan o separate container para sa mga ballot receipt.
Mabuti at maagang inihahanda ng kinauukulan ang mga kinakailangan para sa darating na 2025 elections, lalo na ang mga automated counting machine.
Kahit isang taon pa bago ang eleksyon ay tama lamang ang kanilang ginagawang preparasyon para hindi sila nangangarag habang mate-test at nasusuri pa nila ang kapasidad ng mga naturang machine.
Gayundin, kung sakaling magkaroon ng problema sa mga automated counting machine ay madali itong mareresolba at tiyak namang mapapalitan agad ito ng partner nating kumpanya sa eleksyon.
Sana, hindi matulad sa mga nakaraang halalan na nagkaroon ng napakaraming sumablay at nasirang mga counting machine, bago at habang nagbobotohan sa mga presinto, para hindi natin maisip na tila nagagamit ang mga ito sa dayaan, at maituturing talaga natin na maayos at malinis ang ating eleksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments