ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 3, 2021
Matagal-tagal pa ang laban natin sa pandemya, pero hindi ito dapat maging dahilan para mahinto ang marami nating mahahalagang aktibidad sa ating bansa.
Isa na riyan ang nakatakdang eleksiyon sa Mayo 2022. Unang-una tayong maging determinado na ituloy ang national at local elections bilang pagsasa-alang-alang na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw itong maipagpaliban.
Paparating na ang iba’t ibang COVID-19 vaccines at maaaring sumailalim na tayo sa totoong new normal, kaya’t yakapin na natin ang sitwasyon at makibagay sa mga dapat na gawin. Kahit paano’y dire-diretso ang ating pamumuhay sa gitna ng pandemya na may kasama pa ring pag-iingat at pagsunod sa mga safety protocols.
Maraming bansa ang nagpaliban ng eleksiyon nitong nagdaang taon sa kasagsagan ng mga lockdown o community quarantine. At nitong Enero 19 lang, naitala ng International Foundation for Election Systems na na-postpone ang eleksiyon sa 69 bansa at walong teritoryo.
Pero nagdesisyon din ang ilan sa mga ito na itutuloy ang kanilang eleksiyon ngayong taon, kabilang na ang Australia, Canada, Germany, Hong Kong SAR at United Kingdom.
Kung ang South Korea, kinaya nila noong Abril sa kasagsagan ng pandemya, paniguradong kakayanin din natin. Tagumpay at ligtas ang eleksiyon doon and take note, mas lumaki pa ang bilang ng mga botanteng lumahok! Bongga, ‘di ba?
IMEEsolusyon naman d’yan ay walang iba kundi ang maagang pagpaplano at paghahanda. Ito ay makababawas din sa hamon sa pagiging lehitimo ng resulta ng eleksiyon.
Kaya naman ang inyong lingkod, bilang chairperson ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, todo ang isinasagawa nating hearings sa Senado para maikasa na ang plano.
Hindi madalian ang paghahanap ng dagdag-pondo at paglalatag ng mga hakbang na konektado sa pandemya, kaya dapat maagap tayo sa istriktong paghahanda. Magtulungan na tayo, kering-keri natin ‘yan. Tara na. Karerin na natin!
Comments