ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 07, 2023
Dear Chief Acosta,
Totoo bang mayroong exemption ang mga gumagamit ng mga electric vehicles o EVs sa number coding? Nagbabalak kasi kami ng aking asawa na kumuha ng aming sasakyang pampamilya. Ito ang aming magiging unang sasakyan kung sakali.
Nagtungo kami sa mga dealership nitong nakaraang linggo at mayroong isang dealership na kinukumbinsi kaming bumili ng EV. Ang isa nga diumano na ikinaganda nito, maliban sa hindi kami dadagdag sa polusyon, ay ang exemption sa number coding scheme. Ibig sabihin, magagamit namin ang sasakyan buong linggo na pabor para sa mga nagtatrabaho na tulad naming mag-asawa. Sana ay malinawan ninyo ako. - Erick
Dear Erick,
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na sadyang pataas nang pataas ang halaga ng petrolyo at krudo sa pandaigdigang merkado at mayroong matinding epekto ito sa pagtaas ng iba’t ibang mga pangunahing bilihin. Kung kaya’t tulad ng ibang mga bansa, sinimulan na ng ating pamahalaan ang pagsulong sa pagtatangkilik at paggamit sa mga makabagong teknolohiya na mayroong kaugnayan sa paggamit ng mga alternatibong enerhiya. Isa na nga rito ang pagtataguyod ng mga panuntunan sa paglilikha at paggamit ng mga electric vehicles.
Ang electric vehicle (EV), ayon sa Section 4 (k) ng Republic Act (R.A.) No. 11697 o mas kilala bilang “Electric Vehicle Industry Act”, ay nangangahulugang:
“x x x a vehicle with at least one (1) electric drive for vehicle propulsion. For purposes of this Act, it includes a BEV, hybrid-electric vehicle, light electric vehicle, and a plug-in hybrid-electric vehicle.”
Maraming insentibo na ipinagkakaloob sa ilalim ng R.A. No. 11697, kabilang na rito ang eksempsyon sa number coding scheme at mga kawangis na pamamaraan na maaaring ipinatutupad ng iba pang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan. Malinaw na nakasaad sa Section 25 ng nasabing batas:
“Section 25. Non-Fiscal Incentives. - The following non-fiscal incentives shall remain in force for eight (8) years from the effectivity of this Act:
a. For EV users:
1. Priority registration and renewal of registration, and issuance of a special type of vehicle plate by LTO;
2. Exemption from the mandatory unified vehicular volume reduction program, number-coding scheme, or other similar schemes implemented by the Metropolitan Manila Development Authority, other similar agencies, and LGUs;
3. Expeditious processing by the LTFRB of applications for franchise to operate, including its renewal, for PUV operators that are exclusively utilizing EVs;
4. Availment of TESDA Training Programs on EV assembly, use, maintenance, and repair for its employees.”
Sapagkat ang R.A. No. 11697 ay naisabatas noong Abril 15, 2022, mayroon pang mahigit-kumulang pitong taon upang tamasahin ang nasabing benepisyo na kung iisipin ay malaking tulong para sa mga manggagawa, tulad ninyong mag-asawa, na kinakailangang bumiyahe papasok at pauwi mula sa inyong mga trabaho at nagnanais na gumamit ng personal na sasakyan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments