top of page
Search
BULGAR

El Niño, nagsimula na — PAGASA

ni Mai Ancheta | July 5, 2023




Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nagsimula na ang El Niño phenomenon sa bansa.


Kasunod ito ng inilabas na El Niño advisory batay sa climate monitoring at analysis kaugnay sa mainit na temperatura sa karagatan na nangangahulugang mararamdaman ang epekto ng mas kaunting pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas simula ngayong buwan na tatagal hanggang taong 2024.


Ayon kay Ana Liza Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section ng Climatology and Agrometeorology Division ng PAGASA, sa ngayon ay "weak El Niño" pa ang mararamdaman subalit mataas ang posibilidad na maging katamtaman hanggang sa malakas ang epekto nito sa huling quarter ng taon.


Gayunman, inaasahan aniya na magkakaroon ng above-normal rainfall o bahagyang malakas na mga pag-ulan.


Sinabi ng opisyal na inaasahang unang maaapektuhan sa El Niño phenomenon ang sektor ng agrikultura na nakadepende sa paggamit ng tubig sa kanilang mga pananim.


Mararamdaman din ang epekto ng El Niño ng mga ordinaryong mamamayan na gumagamit ng tubig mula sa mga dam para sa kanilang pang-araw-araw na gawain at pangangailangan.


Matatandaang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magtipid ng tubig sa harap ng napipintong epekto ng El Niño.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page