ni Grace Poe - @Poesible | May 03, 2021
Isa ang Pilipinas sa may pinakamahabang community quarantine o lockdown sa buong mundo. Habang nagbubukas na muli ang ibang bansa dahil mababa na ang bilang ng kaso ng coronavirus infection sa kanila, narito tayo at kinailangan pa ng ekstensiyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region at mga kalapit-lalawigang Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna. Samantala, MECQ rin sa lalawigan ng Abra at sa City of Santiago sa Quirino.
Hindi nakakagaan ng loob na gawing halimbawa ang India para magmukhang maganda ang pagtugon ng ating pamahalaan sa COVID-19. Bagama’t kalunus-lunos ang mga imahen ng mass cremation sa nasabing bansa sa dami ng namamatay ngayong pandemya, hindi dapat gamiting pamantayan ang kanilang trahedya para magmukhang tama ang ating ginagawa. Nananatiling mataas ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19 at punuan pa rin ang mga ospital. Marami ang nagkakasakit at namamatay. Maraming kabuhayan rin ang naghihingalo, kung hindi man natigok na tuluyan.
Sa ektensiyon ng MECQ, dapat nating tiyakin na ito ay hindi lang pagkukulong ng mga tao sa kanilang bahay. Kailangang palawakin pa ang testing sa ating mga komunidad at bilisan ang pagbabakuna para makamit ng Pilipinas ang herd immunity. Kasabay nito, dapat ibigay ng pamahalaan ang mga ayudang inaasahan ng mamamayan, pati na ang insentibo para sa ating medical frontliners.
Hindi lamang COVID-19 ang nakamamatay, kung hindi pati gutom at kapalpakan ng iilan na tila manhid sa paghihirap ng ating mga kababayan. Sulitin ang ekstensiyong ito ng MECQ at gumawa ng konkretong aksiyon na suportado ng siyensiya at pag-aaral ng mga eksperto. Buhay ng mga tao ang nakasalalay dito. Hindi puwede ang bara-barang solusyon.
◘◘◘
Habang okupado ang isip ng sambayanan kung paano manatiling buhay at ligtas sa gitna ng pandemya, narito at may pagbabanta sa ating teritoryo at soberenya.
Naniniwala tayong dapat manatiling determinado ang ating bansa sa proteksiyon ng ating maritime domain sa West Philippine Sea. Habang nagpapahayag tayo ng ating protestang diplomatiko sa pagpasok rito ng China, patuloy dapat ang pagpapatrulya ng ating pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda na umaasa rito para sa kanilang kabuhayan.
Kailangan nating tayuan at panindigan ang pag-angkin natin sa West Philippine Sea. Hindi nakikipag-away tayo, subalit ang pagkakaibigan ng mga bansa ay dapat nakabatay sa paggalang sa bawat isa at sa pagsunod sa mga alituntunin para sa pagpapanitili ng kapayapaan at istabilidad sa nasabing bahagi ng ating teritoryo.
Ang kaibigan, may pagkilala at paggalang sa kaibigan. Hindi nang-aangkin at nag-iimbot, at lalong hindi nagsusumbat ng naitulong.
Atin ang West Philippine Sea kaya dapat tayong kumilos na tayo ang may-ari nito. Proteksiyunan natin ang atin.
留言