@Editorial | October 13, 2021
Nagkasundo ang alkalde na iksihan na ang curfew hours sa Metro Manila.
Simula ngayong araw, Oktubre 13, ipatutupad ang curfew hour mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Sa kasalukuyan, nagsisimula ang curfew nang alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Binago umano ang curfew hours dahil bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Kaugnay nito, mas maraming establisimyento na ang magbubukas, mae-extend ang operasyon at unti-unti nang mabubuhay ang ekonomiya na pinadapa dahil sa pandemya.
Ang palagi pa ring pakiusap, huwag magpakampante, palaging sundin ang mga health protocols.
Maiwasan sana nating sumablay ang unti-unting pagluluwag para tuluyan na tayong makausad.
Samantala, panawagan naman sa mga magulang, bantayan ang ating mga anak na pagala-gala. Tila balewala sa kanila ang ipinatutupad na curfew. Meron pa ring nakatambay sa labas, pumupuslit ng tagay at ang masaklap may ilan na nagagamit pa sa ilegal na gawain.
Ang curfew ay ipinatutupad para malimitahan ang tao sa labas, lalo na kung wala namang mahalagang pupuntahan.
Bukod sa iniiwasan natin ang pagkakaroon ng COVID-19 at iba pang sakit, gusto rin nating makalayo sa anumang uri ng krimen.
Gamitin natin ang mga pagkakataon na tayo’y higit na nakakakilos sa mabubuting gawain o may pakinabangan at hindi para magpasaway.
Comments