ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 6, 2024
PANG-UUNGGOY LANG PALA SA PUBLIKO NA LUMAGO ANG EKONOMIYA NG ‘PINAS DAHIL MISMONG MOODY’S ANALYTICS NA NAGSABING BUMAGAL ANG EKONOMIYA NG BANSA -- Base sa data ng economic researcher na Moody’s Analytics na nakabase sa Amerika ay bumagal daw ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng year 2024.
Ayan ha, Moody’s Analytics na nagsabi niyan, kaya ibig sabihin, pang-uunggoy lang sa publiko ang ibinibida ng Marcos administration na malago na ang ekonomiya ng ‘Pinas, boom!
XXX
SANA ALL NG MAYOR TULAD NG DUTERTE NG DAVAO CITY AT MAGALONG NG BAGUIO CITY PARA ‘PINAS MAIDEKLARANG CLEANEST COUNTRY -- Kung rank number 2 ang Davao City sa cleanest city sa Southeast Asia, rank number 5 naman ang Baguio City, base iyan sa inilabas na data ng Numbeo Pollution Index para sa year 2024.
Kung ang lahat ng alkalde ng mga lungsod at munisipalidad ng Pilipinas ay tulad ng Duterte ng Davao City at Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City, aba’y baka dumating ang panahon na maglabas ng data ang Numbeo Pollution Index na ang ‘Pinas ang cleanest country sa buong mundo, period!
XXX
NOONG PRESIDENTE PA SI EX-P-DUTERTE, ANTI-ICC SINA CHIZ AT KOKO, PERO NGAYON, PRO-ICC NA SILA -- Sinabi nina Senate President Chiz Escudero at Senate Minority Leader Koko Pimentel na accessible o available sa publiko, maging sa International Criminal Court (ICC) ang mga naging statement ni ex-P-Duterte sa nakaraang Senate probe sa extrajudicial killings (EJK) ng nakaraang Duterte administration.
Noong si ex-P-Duterte pa ang presidente ng bansa, kabilang sina Sen. Escudero at Sen. Pimentel sa mga nagsasabing hindi puwedeng pumasok sa Pilipinas ang mga taga-ICC para mag-imbestiga at kumuha ng mga ebidensya tungkol sa EJK kasi wala na raw jurisdiction sa ‘Pinas ang ICC, pero ngayon iba na ang tono nila, dahil payag na silang magbigay ng ebidensya sa ICC laban sa ex-president.
Ang nais nating ipunto rito, dati anti-ICC sina SP Escudero at Sen. Pimentel, pero ngayon pro-ICC na, boom!
XXX
PARANG ‘DI NAMAN BUMAGSAK ANG RATING NI VP SARA, PARA NGANG MAS DUMAMI PA ANG TAGASUPORTA SA SOCIAL MEDIA -- Sa totoo lang, parang kuwestyonable ang survey ng OCTA Research na bumagsak rating ni Vice President Sara Duterte-Carpio.
Kung pagbabasehan ang dami ng tagasuporta ni VP Sara sa social media, parang hindi naman bumagsak ang kanyang rating, at sa halip parang dumami pa ang kanyang tagasuporta, period!
Comments