ni Lolet Abania | May 2, 2022
Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martes, Mayo 3, 2022, bilang regular holiday para sa pag-obserba ng Eid’l Fitr o ang end of Ramadan.
Nitong Mayo 1, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Proclamation 1356 na nagdedeklarang holiday ang naturang okasyon.
Sa kanyang Proclamation, ayon sa Pangulo, makapagbibigay ang nasabing holiday sa mga Pilipino ng aniya, “the full opportunity to join their Muslim brothers and sisters in peace and harmony in the observance and celebration of Eid’l Fitr, subject to the public health measures of the national government.”
Una nang sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Linggo na idedeklara ng Malacañang ang Martes, Mayo 3, na national holiday, bilang pagdiriwang ng Eid’l Fitr.
Ito ay matapos na ianunsiyo naman ng Grand Mufti ng Bangsamoro Darul Ifta nito ring Linggo na ang Eid’l Fitr commemoration ay magsisimula ngayong Lunes, Mayo 2.
Ang Eid’l Fitr ay isang Muslim holiday, kung saan nagpapahinga ng pag-aayuno para sa banal na buwan ng Ramadan, na nagsimula noong Abril 3.
Hinimok naman ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod Ebrahim ang publiko na manatiling maging maingat at sumunod sa mga minimum public health standards sa panahon ng selebrasyon nito.
Commentaires