ni Jeff Tumbado @Weather News | July 22, 2023
Nagbabadyang maging “super bagyo” ang ganap na bagyong si 'Egay' na kasalukuyang nasa rehiyon ng Luzon.
Batay sa huling datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng sa Lunes, Hulyo 24, maging super typhoon si 'Egay' kung saan nakatakda ang mismong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
“Pagdating sa intensity o lakas nitong bagyo, posible nga rin po itong lumakas into a Tropical Storm category within the next twelve hours at bukas posibleng nasa Severe Tropical Storm category, at pagdating ng Linggo, makikita po natin nasa Typhoon category na itong si Bagyong Egay, and by Monday posible po itong umabot sa Super Typhoon category,” paliwanag ni PAGASA weather specialist Ana Clauren-Jorda sa pulong balitaan kahapon.
“Kaya hindi po basta-basta o hindi dapat natin ipagwalang bahala itong mino-monitor nating si Bagyong Egay dahil malawak po ito at may malakas na hangin na dala,” wika pa nito.
Nabanggit din ng weather bureau na asahang magtataas sila ng wind signals sa ilang bahagi ng bansa simula ngayong araw ng Sabado, Hulyo 25.
“Inaasahan na magtataas po tayo ng Tropical Cyclone Wind Signal sa ilang bahagi ng Bicol Region at Eastern Visayas, partikular na sa Eastern portion simula po bukas ng gabi o early Sunday,” ani Jorda.
Huling namataan si 'Egay' sa Silangan-Timog Silangan ng Luzon na may taglay na lakas na hangin na 55 kilometro bawat oras at bugsong aabot sa 70 kilometro kada oras.
Wala pa umanong epekto sa bansa ang bagyo, ngunit asahan ang mga pag-ulan sa mga darating na araw na dulot din ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Sinabi ni Jorda na magsisimula ang mga pag-uulan na dala ni 'Egay' sa Linggo hanggang Lunes sa bahagi ng Luzon kabilang na ang NCR, Catanduanes at Northern Samar.
Коментари