Edwards ng T'wolves umaapoy ang mga tirada, Pacers pumosisyon
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | Apr. 12, 2025
Photo: Anthony Edwards - Minnesota Timberwolves FB
Umapoy kung kailan pinaka-kailangan si Anthony Edwards upang ibigay ang 141-125 panalo sa bisitang Minnesota Timberwolves sa Memphis Grizzlies sa NBA sa FedExForum. Kasabay nito ang mga kasing halagang tagumpay ng Indiana Pacers, Milwaukee Bucks at Detroit Pistons para bumuti ang kanilang maging posisyon sa Playoffs sa susunod na linggo.
Sinimulang kumilos ang Minnesota sa pangatlong quarter at bumuhos ng 17 walang-sagot na puntos upang mabura ang 75-69 lamang ng Memphis at bumaligtad, 86-75. Hindi tumigil ang Timberwolves at lalong pinalaki ang agwat sa 122-99 matapos ang three-point play ni Naz Reid na nagbukas ng huling quarter.
Nagtapos si Edwards na may 44 puntos buhat sa pitong tres. Pumasok ang Minnesota sa tabla kasama ang Grizzlies at Golden State Warriors sa 47-33 para ika-anim hanggang ika-walo sa Western Conference.
Puntirya ng tatlong koponan na makamit ang ika-6 na puwesto para siguradong kalahok sa Playoffs at iwasan ang walang katiyakang Play-In Tournament. Ang sigurado pa lang sa West Play-In ang tapatan ng Sacramento Kings (39-41) at Dallas Mavericks (38-42) subalit tutukuyin pa kung kaninong tahanan ito gaganapin ayon sa nalalabi nilang dalawang laro.
Pinabagsak ng Pacers ang siguradong numero uno ng East Cleveland Cavaliers, 114-112, at hindi na sila bababa ng pang-apat. Nanguna sa Pacers si Tyrese Haliburton na may 23 at 11 assist para umangat sa 49-31 at may pag-asa pa na maging pangatlo dahil tinalo ng Pistons ang New York Knicks, 115-106.
Hinigitan ni Cade Cunningham ang 35 laban sa Kings noong isang araw at gumawa ng 36 sa 34 minuto. Matibay ang Detroit (44-36) sa ika-anim pero kaya pa nila pantayan ang Milwaukee (46-34) na nanaig sa kulelat New Orleans Pelicans, 136-111.
Double-double si Giannis Antetokounmpo na 28 at 11 rebound para humaba sa anim ang sunod nilang panalo.
Comments