top of page
Search
BULGAR

Edukasyon, pundasyon sa pagseserbisyo sa kapwa at sa bayan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 24, 2024


Kabilang sa ating adbokasiya ang edukasyon at paghubog sa ating mga kabataan. Para sa akin ay napakahalaga na palakasin natin ang ating sistema ng edukasyon dahil isa ito sa mga pundasyon sa pag-unlad ng ating bansa. 


Naging guest speaker tayo noong February 22 sa ginanap na 31st and 20th Founding Anniversary ng Urdaneta and Tayug Campuses Leaders’ Summit ng Panpacific University sa Urdaneta City, Pangasinan. Pinasalamatan natin ang unibersidad at ang mga bumubuo rito sa kanilang patuloy na paghahatid ng edukasyon at paghubog sa kamalayan ng mga kabataan. 


Ang mga kabataang Pilipino ang kinabukasan ng bayang ito. Balang araw, posibleng ang iba sa kanila ay maging senador o lider din ng ating bansa. Ibinahagi ko sa kanila na isa lang ang sikreto riyan. Pagdating ng panahon, mahalin nila ang kanilang kapwa Pilipino.


Mahalin nila ang ating bayan, unahin parati ang kapakanan ng mga mahihirap, at hinding-hindi sila magkakamali riyan. Iyan ang naging payo sa akin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na aking ibinabahagi rin sa susunod na henerasyon ng mga lingkod bayan.


Para kasi sa akin, ang tunay na serbisyo ay dapat na inuuna ang kapakanan ng kapwa tao bago ang sarili. Dapat din nating kilalanin ang ating mga sarili kung paano tayo magiging inspirasyon, magseserbisyo at magmamalasakit sa ating mga kababayan. 


Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mahusay na edukasyon sa ating mga kabataan, nabibigyan natin sila ng sapat na kakayahan at nahuhubog ang kanilang mabuting pag-uugali para makapag-ambag sa kanilang komunidad at sa ating bansa. Kaya naman patuloy kong itataguyod at susuportahan ang mga inisyatiba at panukala na layuning pagandahin ang ating education system. 


Pinayuhan ko rin ang mga estudyante na huwag kalimutan na pasalamatan ang kanilang mga magulang. Kaming mga magulang, wala kaming ibang ginagawa kundi magtrabaho para mapaaral ang aming mga anak. Bilang ganti, ang puwedeng gawin ngayon ng mga anak ay mag-aral nang mabuti para maging masaya ang kanilang mga magulang at makatulong sa pamilya. 


Matapos ang okasyon, pinangunahan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Sison, Pangasinan kasama ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Danilo Uy. Bilang adopted son ng Pangasinan, patuloy akong tutulong na mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa aking mga kapwa Pangasinense. 


Sinaksihan naman ng aking tanggapan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center kasama si Mayor Cecilia Jalosjos Carreon sa Piñan, Zamboanga del Norte noong araw na iyon. 


Binisita rin natin ang 61 residenteng nasunugan mula sa apat na barangay sa Las Piñas City at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa mga ito. Nabalitaan ko rin na sa araw na iyon ay may panibagong mga bahay na natupok ng apoy, kaya personal kong pinuntahan ang pinangyarihan ng sunog at kinumusta ang mga apektadong pamilya.


Sunod ko namang binisita at tinulungan ang 86 na nasunugan mula sa Parañaque City.


Nagbigay rin ako ng dagdag na pagkain para sa mga biktima. Napamahaginan din ang ilang kuwalipikado sa kanila ng tulong mula NHA upang makabili ng mga materyales na pampaayos ng kanilang mga bahay. 


Samantala, nasa Marinduque naman tayo noong February 21 bilang guest speaker sa 104th Founding Anniversary ng lalawigan, sa imbitasyon ni Gov. Presby Velasco.


Sinaksihan naman ng aking tanggapan ang turn over ng  Super Health Center sa President Roxas, Cotabato, kasama si Mayor Jonathan Mahimpit, gayundin ang grand opening ng Dialymed Renal Care Center sa Caloocan City. 


Kahapon, February 23, panauhing pandangal tayo sa 1st Cityhood Anniversary ng Carmona City, Cavite sa imbitasyon ni Mayor Dr. Dahlia Loyola.


Nag-inspeksyon din tayo sa Super Heath Center sa lungsod. Matapos ito ay dinaluhan natin ang 41st Foundation Anniversary and Loyalty Awarding Ceremony ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City. Nagbigay tayo ng suporta sa mga awardees bilang pasasalamat sa kanilang pagseserbisyo bilang mga frontliners at namahagi rin tayo ng lugaw sa mga pasyente at health workers doon. 


Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa pagtulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Inayudahan natin ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang 38 sa Pasay City; apat sa Esperanza, Sultan Kudarat; dalawa sa Cotabato City; sampu sa Midsayap, Cotabato; sampu sa Butuan City, Agusan del Norte; apat sa Brgy. 76A, Bucana, Davao City; 30 sa General Santos City; tatlo sa Norala, South Cotabato; 64 sa Brgy. Puntod at 17 sa Brgy. Macabalan sa Cagayan de Oro City; at tatlo sa Iligan City. 


Nag-abot din tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 63 residente mula sa Sampaloc, Manila; 60 sa Asuncion, Davao del Norte; 197 sa Koronadal City katuwang si Vice Gov. Arthur Pinggoy; at 157 sa Brgy. 600, Sta. Mesa, Manila. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE. 


Nakatanggap din ng tulong ang 350 mahihirap na residente ng Sibalom, Antique katuwang si Vice Governor Ed Denosta; 75 TESDA scholars ng University of San Jose Recoletos; at 75 pa sa Cebu City katuwang si Councilor Dondon Hontiveros.


Sa ating mga estudyante at mga kababayang Pilipino, bukas ang aking opisina para sa inyo. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil ang tangi kong bisyo ay magserbisyo sa inyong lahat!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page