top of page
Search
BULGAR

Edukasyon ng mga kababayan nating katutubo, ‘wag dedmahin!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 9, 2020



Nasa ikalawang buwan na ang Blended Learning ng Department of Education, pero hindi pa rin matapus-tapos ang mga problema ng mga titser at mag-aaral. Juskoday!


Isa na riyan ang kakapusan at kawalan ng kuwalipikadong mga guro para sa Indigenous Peoples o IPs na nasa mga liblib na lugar sa ating bansa. Santisima, deka-dekadang problema na ito.


Dapat ding bigyang-pansin ang kawalan ng security of tenure ng mga matatagal nang guro sa IP communities na hindi lisensiyado. Inabutan na nga ng COVID, malabo pa rin ang isyu sa permanency. Napaglipasan na sila ng panahon, kaawa-awa.


Meron namang ipinadadalang mga teachers ang DepEd sa IP communities, pero ang daing ng ating mga katutubo, hindi swak sa kultura nila si titser. Hindi sayad sa lupa, ‘ika nga. Walang gaanong empathy sa diskarte at sensibilidad ng mga kabataang katutubo.

Sa totoo lang, meron namang mga teacher na galing mismo sa kanilang komunidad. Kaso, hindi sila eligible.


Eh, hindi na naipatupad ang isyu ng security of tenure sa Magna Carta for Teachers na nagsasabing ang teacher na may 10 years na sa serbisyo pero walang civil service eligibility ay automatic na mabibigyan ng permanent status. Kasi natabunan ng mga probisyon ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (RA 10533) at ng Philippine Teachers Professionalization Act (RA 9293).


Ayon sa dalawang batas na ‘yan, ang isang guro na hindi pasado sa Licensure Exam for Teachers ay pansamantala lang na maha-hire hanggang sa makakuha sila ng eligibility sa loob ng limang taon. Kaya't sapul ang mga IP teachers na inaamag na sa pagtuturo sa mga katutubo tulad sa mga Aeta sa Tarlac.


IMEEsolusyon d’yan, habang nasa pandemya tayo, isantabi na muna ang requirement na eligibity. Plis lang, DepEd, pagturuin na muna ang mga guro na sampung taon nang nagseserbisyo sa mga IPs at planuhin kung paano sila mare-regular. Handa naman kaming mga mambabatas, lalo na ang inyong lingkod bilang chairperson ng Senate Committee on Cultural Communities, na mag-amyenda sa kinakailangang batas para riyan.


Ikalawa, kahit sandamakmak ang problema ninyo, DepEd, pakiusap lang. Maglagay kayo ng kahit isang tao o grupo na tutututok sa concerns ng mga IPs sa edukasyon lalo na ang kakulangan ng mga guro at mga pangangailangan nila ngayong may online learning. ‘Wag sana nating kalimutan ang ating mga katutubo, sila’y mga Pilipino rin!

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page