top of page
Search
BULGAR

Edukasyon ang dapat prayoridad ng kabataan, hindi pagbubuntis o pag-aasawa

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 29, 2020



Malaki ang epekto na idinudulot ng pandemya sa iba’t ibang sektor at industriya ng ating lipunan. Higit sa lahat, ang seguridad at kinabukasan ng kabataan ay labis ding nalalagay sa panganib.


Kasabay ng pagtugon at pagbabantay sa pagpapatakbo ng distance learning ngayong taon, tinututukan ng inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang pinangangambahan ng mga eksperto na maaaring umakyat ang bilang ng mga child marriages bunsod ng pandemya.


Base sa ulat ng international charity organization na Save the Children, maaaring umabot sa 2.5 milyong mga batang babae ang nanganganib na mapilitang magpakasal dahil sa mga naging epekto ng pandemya, kasama na ang pagkakaantala ng kanilang edukasyon at ang pagbagsak ng ekonomiya.


Noong Abril ay nagbabala ang United Nations Population Fund o UNFPA na maaaring magdulot ng karagdagang 13 milyong mga child marriages sa susunod na dekada dahil sa mga naging pinsala ng pandemya.


Ayon naman sa United Nations Children’s Fund o UNICEF, ang Pilipinas ang pang labindalawa sa may pinakamataas na bilang ng mga child brides sa mundo.


Dapat itaas ang kasalukuyang age of sexual consent sa bansa na 12 taong gulang bilang bahagi ng pagsugpo sa maituturing na paglabag sa karapatang pantao. Ang Pilipinas ang may pinakamababang age of sexual consent sa Asya at pangalawang pinakamababa naman sa buong mundo.


Sa Senate Bill No. 739 o ang “Increasing the Age for Determining Statutory Rape,” ipinanukala ng inyong lingkod na itaas sa 18 ang edad ng sexual consent.


Kamakailan ay inaprubahan na sa committee level ng Senado ang panukalang i-angat ang age of sexual consent sa edad 16.


Naniniwala tayong ang pag-angat ng age of sexual consent ay makatutulong sa pagsugpo sa mga pang-aabuso at karahasang seksuwal na dulot ng child marriages o ang pagpapakasal ng menor-de-edad.


Nais din nating bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programang nagbibigay ng proteksiyon sa kabataan, kabilang na ang mga reproductive health services.


Kasama rin dito ang pagbibigay ng prayoridad sa comprehensive sexuality education dahil ayon sa ulat ng Annual Poverty Indicators Survey 2017, para sa mga kababaihang may edad na anim hanggang 24, ang mga usaping pagpapamilya at pagpapakasal ay ang pangunahing dahilan ng pagkaantala o hindi pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.


Edukasyon ang dapat pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng ating kabataan at hindi pagbubuntis o pag-aasawa. Hindi maaaring maputol na lang ang kanilang pangarap dahil napipilitan silang magpakasal at magkaroon ng responsibilidad sa pamilya nang maaga.


Ngayong nasa gitna tayo ng krisis, lalo natin dapat paigtingin ang mga hakbang laban sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso sa mga kabataan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page