ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 25, 2021
Kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council (TEC) Act upang patatagin ang National Educators Academy of the Philippines (NEAP) na nagsisilbing professional development arm ng Department of Education (DepEd).
Ang pangunahing layon ng naturang panukalang-batas ay maiangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay o training ng mga guro sa bansa sa pamamagitan ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC).
Sa ilalim ng panukalang-batas, ang NEAP ay pormal na magiging attached agency ng DepEd upang itaguyod ang professional development ng mga guro at school leaders. Mandato ng NEAP na tiyaking ang mga programa para sa professional development ay akma sa learning environment ng ika-21 na siglo at pag-unlad ng karera ng mga guro at school leaders.
Bagama’t tiniyak ng Department of Budget and Management na suportado ng 2021 national budget ang mga seminars at pagsasanay o training ng mga guro upang ihanda sila sa “new normal” ng pagtuturo, nais nating bigyang-diin dito na ang “institutionalized NEAP” ay bahagi ng pagpapatatag at muling pagbangon ng sistema ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19.
Matatandaang ang NEAP ang isa sa mga tanggapan ng DepEd na namuno sa mga programa at mga pagsasanay noong kinailangang ihanda ang mahigit 800,000 na mga guro para sa distance learning.
Ang “NEAP transformation” ay bahagi rin ng upskilling at reskilling ng mga guro sa ilalim ng Sulong Edukalidad ng DepEd na layong tutukan ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, naninindigan ang inyong lingkod na ang pagpapatibay sa National Educators Academy of the Philippines ay isa sa ating mga panukalang hakbangin para matiyak na patuloy ang ating pagbibigay ng dekalidad na mga pagsasanay at iangat ang kakayahan ng mga guro at school leaders. Sa ganitong paraan, maiaangat din natin ang kahusayan ng mga kabataang estudyante sa kanilang pag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments