ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 4, 2023
Mahalagang magsagawa ng mga lokal na education summit kada taon para upuan at talakayin ang mga isyu, reporma, at mga programa sa sektor ng edukasyon sa buong bansa.
Ang mungkahing ito ay bahagi ng 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) na layong patatagin ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid at pag-angat ng sistema ng edukasyon.
Sa ilalim ng ating ipinapanukalang batas, papalawigin ang papel ng local school board kung saan isa sa mga magiging bagong responsibilidad nito ang pagsasagawa ng mga education summit upang makonsulta ang mga miyembro ng komunidad tungkol sa mga isyu at suliranin, at para gabayan ang mga prayoridad sa paglalaan ng Special Education Fund (SEF).
Mahalaga itong pagsasagawa ng education summit sa ating mga local government units para masuri natin ang mga hamong kinakaharap. Magiging daan din ang mga summit na ito upang matalakay ang mga solusyon at mga repormang kinakailangan upang maabot natin ang bawat estudyante at masiguro na makakatanggap sila ng dekalidad na edukasyon.
Bahagi rin ng mga iminumungkahing tungkulin ng local school board ang pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon na susukatin sa mga batayang tulad ng participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng dropouts at mga out-of-school youth, achievement scores sa mga national tests, assessment tools, at iba pang standardized test scores. Gagawin ding sukatan ang paglikha ng mga child development centers at suporta sa special needs education, Alternative Learning System (ALS), at Parent Effectiveness Service Program.
Target din ng nasabing panukala na palawigin ang paggamit ng SEF upang maisama ang budget para sa sahod ng mga guro, non-teaching personnel, at pre-school teachers. Bukod dito, magiging saklaw din ng pinalawig na paggamit ng SEF ang education research, pagbili ng mga aklat, mga gamit sa pagtuturo, information and communications technology (ICT) packages, at ang pagpapatupad ng ALS.
Patuloy nating aantabayanan at tutugunan ang mga hamon sa edukasyon tungo sa pagpapabuti ng kalidad na natatanggap ng mga kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios