ni Lolet Abania | June 17, 2022
Tuluyang isinara ang EDSA-Timog Avenue flyover southbound lane sa Quezon City sa trapiko ngayong Biyernes ng madaling-araw dahil sa nakitang mga crack at butas sa istraktura ng tulay.
Sa ulat, may namataang butas sa bahagi ng EDSA-Timog ng flyover. Ang flyover ay bahagyang isinara lamang nitong Huwebes ng gabi, habang ang butas ay tinapalan ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bandang alas-5:00 ng madaling-araw ngayong Biyernes, ang buong kahabaan ng flyover ay isinara na dahil na rin sa pangamba hinggil sa katatagan ng naturang istraktura.
Ayon sa report, ang busway ay nananatiling bukas sa trapiko. Nagresulta naman ang pagsasara nito ng matinding traffic congestion sa lugar, kung saan walang anunsiyong inilabas bago pa ang closure order. Nitong Huwebes, isang advisory ang inisyu na mayroong mga nakitang crack at butas sa istraktura.
Gayunman, ang flyover bago pa ang pagsasara nito ay kasalukuyang sumasailalim sa repair works, kung saan nagsimula ito sa lugar na malapit sa Police Station 10.
Sa isang interview kay Engr. Christian Lirios ng Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) Second Engineering District, sinabi nitong nagkaroon na ng assessment ang ahensiya sa nabanggit na flyover.
“Actually, we have a project dito. Major rehabilitation ng EDSA-Timog Avenue flyover,” ani Lirios. “Nagre-retrofit kami ng girders. Luma na ang Kamuning flyover,” dagdag ni Lirios.
Aniya pa, wala namang dapat ipag-alala ang mga motorista dahil ang kinakailangang repair works ay nasimulan na.
Matatapos ang repair nito, bukas, Hunyo 18, dahil sa extent ng trabaho na dapat gawin sa isang lane ng flyover. Isinasagawa na rin ang retrofitting sa ilalim ng flyover.
Comments