top of page
Search
BULGAR

EDSA, luluwag na simula sa June 12 — Sec. Villar

ni Lolet Abania | May 19, 2021




Magiging mabilis na ang biyahe ng mga motorista sa dalawang pangunahing business centers mula sa dating isang oras ay magiging limang minuto na lang kapag natapos na ang proyektong Bonifacio Global City-Ortigas Center Link Road, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.


Ito ang naging pahayag ni Villar, kasabay ng kanyang anunsiyo na ang link road project ay bahagyang bubuksan sa pagdiriwang ng bansa ng Independence Day sa Hunyo 12.



“We are connecting two cities, we are connecting two major centers. Kung dati, ang biyahe, puwedeng umabot nang isang oras, baka mga 5 minutes na lang from Ortigas to Makati or Taguig,” ani Villar sa isang interview ngayong Miyerkules.


Ayon sa kalihim, bahagi ito ng plano ng pamahalaan para maibsan ang matinding trapiko sa EDSA kaya isinagawa ang road project. Aniya, asahan na mababawasan ang traffic sa EDSA ng 20% hanggang 25%. Gayundin, ang traffic sa C5 ay mababawasan ng 10% kapag tapos na tapos na ang proyekto.


“We plan to open the main span by Independence Day that is June 12. Once finished, it will significantly decongest EDSA,” sabi ni Villar. Ang 1.367-kilometer Bonifacio Global City-Ortigas Center Link Road project ay bahagi ng proyekto ng Metro Manila Logistics Network na layong mabawasan ang tinatawag na one-hour-long drive sa pagitan ng BGC at Ortigas business districts ng 12 minutong biyahe lamang.


Target din aniya na makumpleto nang husto ang buong proyekto sa September 2021, kung saan mas madali na ang pagbibiyahe at pagpunta sa mga lungsod gaya ng Pasig, Mandaluyong, Taguig at Makati habang maiiwasan pa ng mga motorista ang masikip na daloy ng trapiko sa EDSA at C-5.


Ayon pa kay Villar, ang Estrella-Pantaleon bridge naman ay madaraanan na rin ilang linggo matapos ang pagbubukas ng BGC-Ortigas Link.


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page