top of page
Search
BULGAR

EDSA-Kamuning flyover, isasara mula Hunyo 25 — MMDA

ni Lolet Abania | June 21, 2022



Isasara ang southbound portion ng EDSA-Kamuning flyover sa Quezon City sa loob ng 30 araw para sa isasagawang repairs nito simula Sabado, Hunyo 25, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Martes.


Sinabi ng MMDA na epektibo ang pagsasara ng flyover southbound simula alas-6:00 ng umaga ng Hunyo 25. “Ito pong buong southbound ng EDSA-Kamuning flyover ay isasara for 30 days. ‘Yan ang hiniling ng DPWH [Department of Public Works and Highways],” pahayag ni MMDA chair Atty. Romando Artes.


Ayon kay Artes, nasuri na ng DPWH ang bahagi ng flyover na may mga crack at sinabi nilang ang 30-meter stretch ng flyover ay kinakailangang i-repair.


“Nang buksan po nila ang mga may crack na portion nitong tulay ay nakita nila na kailangan pong kumpunihin ‘yung 30-meter stretch nitong buong tulay,” saad ni Artes.


“Mano-mano po ang pagbakbak ng semento dahil hindi po puwedeng gamitan ng heavy equipment dahil baka maapektuhan po ‘yung dalawang lanes pa na nasa tabi,” paliwanag ni Artes kung bakit ang pagsasara nito ay tatagal ng 30 araw.


Gayunman, sinabi ni Artes na ang 30 araw ay sagad na panahon para sa pagre-repair ng flyover, kasama na rito ang 7-araw na curing time para sa semento. Aniya, lahat ng sasakyan na patungong southbound ay kailangang gamitin ang service road na nasa ibaba ng flyover.


Pinapayuhan naman ang mga motorista na dumaan na lamang sa Mabuhay lanes bilang kanilang alternate routes. Gayundin, ani Artes, ang EDSA carousel buses ay kailangan ding dumaan sa service road, subalit matapos ang flyover, maaari na nilang gamitin ulit ang leftmost lane na nakalaan sa kanilang linya.


Ayon pa sa MMDA chief, nasa tinatayang 140,000 sasakyan ang gumagamit ng EDSA-Kamuning flyover araw-araw. Matatandaan na nakitaan ng mga crack at butas ang EDSA-Timog Avenue flyover southbound lane noong nakaraang linggo kaya kanila itong bahagyang isinara.


Mga light vehicles lamang at ang EDSA carousel buses ang pinayagan na gumamit ng flyover ng southbound lane nitong Lunes.



Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page