ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 15, 2024
Marami ang nag-aalala sa magiging epekto sakaling gawing pribado ng Department of Transportation (DOTr) ang kahabaan ng EDSA Busway dahil sa kumalat na balita pero hindi pa nagpapaliwanag ang DOTr sa magiging bentahe nito para sa kapakanan ng publiko.
Maaari kasing isapribado ng DOTr ang operasyon ng EDSA Bus Carousel sa pamamagitan ng solicited proposal, katulad ng ginawa nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) modernization program.
Sa groundbreaking ceremony ng EDSA Busway concourse sa SM North EDSA sa Quezon City, sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na nakatanggap sila ng unsolicited proposal mula sa isang malaking conglomerate para patakbuhin ang EDSA Carousel.
Hindi niya ibinunyag ang pangalan ng conglomerate ngunit, iginiit na pinag-aaralan ng ahensya ang posibilidad na magkaroon ng solicited proposal.
Idinagdag ng kalihim na nais nilang mapabuti ang kalagayan ng EDSA Carousel, pati na rin ang pagpapakilala ng isang solong pamantayan para sa mga bus.
Dapat umanong magkaroon ng standard na kailangang lahat ng pintuan sa left side at bumababa ang mga pasahero sa left side ng bus. Gagawin umano nilang hindi mataas ang mga steps para madaling sumakay.
Tiniyak ng kalihim na hindi niya nakikita ang pagtaas ng pamasahe sa pagsasapribado ng mga operasyon, dahil ang mahusay na sistema ay magdadala rin ng mas malaking kita para sa operator at kaginhawahan sa mga pasahero.
Ang desisyon na magpatuloy sa alinman sa panukala o manatili sa hindi hinihinging panukala ay maaaring ipahayag ngayong taon.
Sakaling matuloy ang hakbanging ito ng DOTr, sana lang makita nilang tama ang kanilang desisyon dahil ngayon pa lamang ay marami na sa ating mga kababayan ang nag-aalala na imbes na mapabuti ay lalong mapasama ang maganda nang serbisyo ng EDSA Bus Carousel.
Hindi naman natin masisi ang ating mga kababayan na tila takot nang sumugal sa ating mga ahensya. Masyado nang negatibo ang reaksyon ng ating mga kababayan na dapat ay hindi dahil wala namang ibang puwedeng magbigay ng serbisyo kundi ang ating gobyerno, kaya dapat nating bigyan ng pagkataon.
Huwag puro kontra, tsaka na tayo magreklamo kung pumalpak — malay naman natin mas gumanda, eh ‘di maraming kababayan natin ang makikinabang.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments