ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 19, 2022
Pinayagan kamakailan ng Department of Education ang kanilang regional units na nasasailalim sa Alert Levels 1 and 2 na mapalawak na ang pagpapatupad ng face-to-face classes at dagdagan ang mga baitang na maaari nang sumabak sa normal na sistema.
Sa datos ng DepEd, tinatayang 304 na paaralan ang maaari nang magpatupad ng face-to-face classes, lalo pa’t tuluy-tuloy din naman ang pagbabakuna sa mga bata. Ang isa lang sa mga problema sa kasalukuyan ay kung paano maisasama sa F2F ang may 47,000 public schools, 12,000 private schools at ang mahigit pang 200 public universities sa bansa.
Maraming estudyante, ayon sa pag-aaral ang nagkaroong ng learning difficulties ngayong pandemya dahil sa mga posibleng dahilan tulad ng kakulangan ng gadgets, tulad ng mobile phones, laptop o anumang kagamitan na naaangkop sa online learning.
Isa pang problema ay ang hindi tiyak na uri ng sistemang pang-edukasyon na naghihintay sa ating mga mag-aaral sa kanilang pagbabalik-paaralan. Dahil sa dalawang taong online classes at distant learning system, posibleng kailanganin ang epektibong paraan para makahabol pa sa kanilang mga asignatura ang mga bata.
Noong July 2021, sa pag-aaral ng Movement for Safe, Equitable, Quality, and Relevant Education, nabatid nila mula sa pag-survey sa may 1,299 estudyante na kakaunti lamang sa kanila ang may natutunan sa distant learning, kumpara sa normal na paraan ng pag-aaral.
Noon namang Nobyembre noong nakaraang taon, iniulat ng World Bank na 90 porsiyento ng mga batang Pinoy na may edad 10 ang posibleng mabaon sa “learning poverty”dahil sa kawalan ng kakayahang makapagbasa at kakulangan ng tamang pang-unawa sa kanyang mga binabasa, dahil sa tagal na napirmi lamang ito sa bahay dulot ng pandemya.
Sa katunayan, sa mga nakaraang academic performance surveys na kinabibilangan ng Pilipinas, lahat ay sadsad ang resulta para sa ating mga kinatawan. Ito ang dahilan upang itulak naming Senado, kasama sina Senate Minority Leader Frank Drilon, Basic and Higher Education Committee chairpersons Sherwin Gatchalian at Joel Villanueva, Senators Grace Poe at Imee Marcos ang resolusyon na humihikayat sa pagtatatag ng Congressional Commission on Education o EDCOM.
Maihahalintulad ito sa komisyong pinamunuan ng ating yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara noong 1989 na ang layunin ay suriin ang kasalukuyang estado ng ating education system.
At bago nag-recess ang Senado ngayong buwan, ipinasa natin at ng ating mga kasamahan ang paglikha ng EDCOM 2 na principally sponsored ng ating seatmate at kaibigang si Senator Win Gatchalian.
Lagda na lamang ng Pangulo at tiyak na makatutulong nang malaki ang panukalang ito sa mga darating pang henerasyon ng mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments