ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 03, 2022
Magandang balita! Aprubado na sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas na lilikha sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Naninindigan ang inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture na mahalaga ang hakbanging ito upang matugunan ang krisis na kinahaharap ng bansa pagdating sa edukasyon.
Sa ilalim ng ating panukalang batas na Senate Bill No. 2485, magsasagawa ang EDCOM 2 ng national assessment at evaluation o komprehensibong pagsusuri sa lagay ng sektor ng edukasyon sa bansa. Layunin ng panukalang pagsusuri na magrekomenda ng mahahalagang reporma sa sektor upang gawing intellectual power sa Asya ang Pilipinas.
Susuriin sa ilalim ng EDCOM 2 kung paano tinutupad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kanilang mga mandato sa ilalim ng batas.
Pag-aaralan din sa ilalim ng panukalang pagsusuri ang mga sanhi kung bakit nananatiling mababa ang performance ng mag-aaral sa international at local standards.
Magrerekomenda rin ang EDCOM ng mga tiyak na solusyon upang paigtingin ang performance ng sektor, ayon sa mga lokal at pandaigdigang mga pamantayan.
Ang panukalang Komisyon ay magkakaroon ng sampung kasapi — lima mula sa Senado at lima mula sa Kamara. Ang mga miyembro mula sa Senado ay ang mga Chairpersons ng mga sumusunod na komite: Basic Education, Arts and Culture; Higher, Technical and Vocational Education; Finance; Science and Technology; at Labor, Employment and Human Resources Development.
Mula naman sa mababang Kapulungan, ang mga magiging kasapi ay ang mga miyembro ng mga sumusunod na komite: Basic Education and Culture; Higher and Technical Education; Appropriations; Science and Technology; at Labor and Employment.
Tutuparin ng Komisyon ang mandato nito sa loob ng dalawang taon mula sa pagkakatatag nito.
Matapos ang dalawang taon, ang Technical Secretariat na bubuuin kasabay ng Komisyon ay magpapatuloy ng dalawang taon upang magkaroon ng administrative oversight sa mga rekomendasyon ng Komisyon. Ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) naman ang magsisilbing research arm ng Komisyon.
Napapanahon na ang pagkakaroon ng EDCOM 2 upang masuri ang mga hamong hinaharap ng sektor ng edukasyon. Mahalaga ito upang maipanukala natin ang mga kinakailangang reporma na mag-aangat sa kalidad ng edukasyong ibinibigay natin sa kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios