ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 13, 2021
Patay ang dalawang bata matapos kumain ng nakalalasong alimango na tinatawag na ‘kuret’ sa Sta. Ana, Cagayan.
Kinain ng magkapatid ang naturang alimango bilang almusal noong Miyerkules kasama ng kanilang ama.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Santa Ana Police, napag-alamang ang ama ng mga bata ang nakahuli sa mga alimango sa dagat.
Bandang ala-una nang hapon ay nawalan ng malay ang dalawang bata, 5-anyos at 2-anyos, at kaagad na isinugod ng kanilang ina sa ospital. Alas-11 nang gabi ng araw ding iyon ay binawian ng buhay ang 5-anyos at kinabukasan ay pumanaw naman ang kapatid nito.
Nakaranas din ng panginginig ng katawan ang ama ng mga bata kaya isinugod din ito sa ospital.
Pahayag naman ni Police Maj. Ronald Balod na hepe ng Santa Ana Police, “Ayon sa attending physician, ang immediate cause of death ng dalawang bata ay respiratory failure, ang antecedent cause ay severe hypersensitivity at ang underlying cause ay food poisoning.”
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay ng insidente.
コメント