ni Lolet Abania | October 24, 2022
Dalawang bata, edad 3 at 9, ang nasawi dahil sa posibleng suffocation matapos sumiklab ang sunog sa kanilang bahay sa Valenzuela City, ngayong Lunes ng umaga.
Batay sa initial report mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa Urrutia Street, General T. De Leon, bandang alas-8:00 ng umaga habang idineklara rin ng ahensiyang under control ng alas-8:31 ng umaga at tuluyang naapula ang apoy ng alas-8:44 ng umaga.
Natagpuan naman ang mga katawan ng mga biktima sa loob ng kanilang banyo.
Sa isang radio interview sinabi ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na ang sunog ay tumagal lamang ng tinatayang 30 minuto.
Ayon kay Gatchalian, kahit agad na naapula ng mga bumbero ang sunog at hindi na kumalat pa, ang dalawang bata ay hindi na nakalabas ng kanilang bahay dahil sa kapal ng usok.
“Nakakalungkot malaman na possibly ho may dalawang bata ho na nasa loob na malamang ho na-suffocate due to the incident,” pahayag ni Gatchalian.
“Mukhang hindi gano’n kalaki ang sunog pero ang nangyari dito eh, mukhang nakulong at na-suffocate po ang mga bata at mabilis naman ang naging responde ng mga bumbero natin,” dagdag niya.
Habang naghihintay ng official report mula sa mga awtoridad, personal namang ininspeksyon ni Gatchalian ang lugar na aniya, tinitingnan nila na posibleng electrical wirings ang naging dahilan ng sunog.
“Presumably po ‘yung nanay ho ay lumabas para ho patayin ang fuse box by the time na bumalik lumakas na ang apoy,” sabi ng mayor.
Ayon kay Gatchalian, kasama lamang ng mga bata ang kanilang ina dahil ang kanilang ama ay isang overseas Filipino worker (OFW).
Aniya pa, naging “very emotional” ang ina ng dalawang bata dahil sa nangyari ang insidente kasabay ng kaarawan nito.
Magbibigay naman ang lokal na gobyerno ng Valenzuela City ng burial assistance, pagkain, at iba pang kailangan ng pamilya ng mga biktima.
Gayundin, magpo-provide ng psychological intervention para sa ina ng dalawang bata na namatay sa sunog.
Comments