ni Ryan Sison - @Boses | September 12, 2021
Para mapanatiling bukas ang mga industriya sa kabila ng pagpapatupad ng mga granular lockdowns, magpapatupad ng bagong polisiya ang pamahalaan na sisimulan sa National Capital Region (NCR) kaugnay ng pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Dalawa na lamang ang pamimiliang quarantine classifications sa NCR at ito ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ) with Alert Level.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, aprubado sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang guidelines para sa susubukang bagong alert level system sa NCR na posibleng ipatupad mula Setyembre 16 hanggang 30, 2021.
Sa bagong polisiya, tanging health at allied health professionals lamang ang ikokonsiderang authorized persons outside of residences (APOR).
Ang bagong sistema ay may apat na alert levels mula Levels 1 to 4. Magkakaroon ng klasipikasyon ang mga industriya na tatawaging “3Cs” para sa closed crowded at close contact industries.
Sa mga lugar na may case cluster, istriktong ipatutupad ang pagbabawal sa paglabas ng mga tao maliban na lamang sa mga health care workers at non-health personnel katulad ng mga nagtatrabaho sa mga ospital, labs, dialysis, facilities; OFWs na may international travel at mga pabalik ng bansa at nakumpleto na ang facility-based quarantine.
Panibagong polisiya, panibagong adjustment para sa lahat.
At dahil susubukan pa lamang ito at walang kasiguraduhan kung magiging epektibo o hindi, panawagan lang natin na paghandaan ang lahat.
Grabeng pagtitiis at sakripisyo na ang dinanas ng milyun-milyon nating kababayan, kaya pakiusap, dapat tayong magkaroon ng mas epektibo at makatotohanang hakbang kontra COVID-19.
Gayunman, anumang itawag sa quarantine classification sa isang lugar, paalala sa lahat na kailangan ang ibayong pag-iingat sa lahat ng oras at hindi kung kailan lang natin gusto.
Tandaan na ang layunin ng mga polisiyang ito ay para sa ekonomiya at kaligtasan ng lahat at hindi upang magparelaks-relaks.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments