top of page
Search
BULGAR

Economic complexity, susi ng isang bansa tungo sa pag-unlad

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 01, 2021



Mula nang tayo ay maihalal bilang public servant (kongresman at ngayon ay senador), madalas na tayong maimbitahang magtalumpati sa mga graduation ceremonies. Pero ang karanasan natin nitong Miyerkules ng madaling-araw (alas-3: 00 ng umaga) ay malaking karangalan sa ating bahagi. Ang inyong lingkod ay naimbitang magtalumpati sa harap ng mga magtatapos na estudyante ng Public Policy Program ng prestihiyosong Stanford University.


Sa talumpati nating ‘yan, tinalakay natin ang lagay ng ating ekonomiya bago at sa kasalukuyang pandemya.


Sa totoo lang, malaki ang potensiyal ng Pilipinas na makilala sa pandaigdigang merkado dahil sa iba’t ibang produkto na ating ini-export. Malaki ang pag-asa nating makasabay sa pag-unlad kung todo ang pokus natin sa iba’t ibang resources.


Dati, kilala lang tayo bilang agricultural country at puro produktong agrikultura lang ang ini-export. Pero pagkalipas ng anim na dekada, nalagyan natin ng ibang kulay ang imahe ng Pilipinas pagdating sa product exportation. Ngayon, exporter na rin tayo ng iba’t ibang produkto, partikular ng electronics. ‘Yan ang tinatawag na economic complexity.


Noong 2008, pang-45 ang Pilipinas sa Economic Complexity Index o ECI. Pero noong 2018, nakatutuwang tumalon tayo sa ika-35 puwesto. Ang ECI ay bahagi ng Atlas of Economic Complexity nina G. Ricardo Hausmann ng Harvard University at G. Cesar Hidalgo ng MIT. Ito ang naglalahad sa productive capabilities ng isang bansa base sa mga produktong kanilang ini-export.


Ayon sa kanila, ang mga bansang may complex products, tulad ng Pilipinas ay may mas malaking tsansa at mas mabilis na umunlad kumpara sa mga bansang may limitadong products for export. Mas mabilis pa nga raw ang mga ito kaysa sa mayayamang bansa na nakadepende lang sa natural resources nila tulad ng langis.


Sa kasalukuyan, pang-35 tayo sa ECI na hindi naman masasabing mababa dahil base riyan, pang-apat tayo sa ASEAN. Sa kasalukuyan, nasa ika-5 puwesto ang Singapore sa ECI, ang Thailand ay pang-22 at ang Malaysia, 26th. Mas nangunguna pa tayo sa mga bansang tulad ng Canada na pang-39, India na pang-42nd at New Zealand na nasa 54th place. Kinikilala na tayo ngayon bilang regional leader. At iisa lang ang ibig sabihin niyan — marami tayong nagagawang tama at kabilib-bilib.


Pero ang medyo nakalulungkot lang, kahit maganda ang estado natin sa ECI, marami pa ring balakid sa tuluyang pag-unlad natin. Pinakamalaking hamon ang human resources natin. Sa totoo lang, pinakamalaking bahagi pa rin ng export natin ang pag-export natin ng workers. Ibang bansa ang nakikinabang sa mga talent natin.


Mas pinipili nila ang mag-abroad for greener pasture ‘ika nga. At isa sa mga nakikita nating solusyon sa exodus of Pinoy workers, ang isinusulong nating Tatak Pinoy initiative.


Sa pamamagitan niyan, marami ang matutulungang lokal na industriya at professionals na pawang globally competitive.


At isa rin sa mga dapat linangin sa bansa, ang ating basic education, partikular sa science, technology, engineering at math. Pinakamahalagang pundasyon yan para matiyak ang tagumpay ng mga mag-aaral para sa kanilang kinabukasan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page