ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 17, 2021
Wala nang atrasan ang nakatakdang eleksiyon sa 2022 kahit may pandemya. Naglabas na ang Comelec ng calendar of activities, at ang filing ng certificates of candidacy para sa lahat ng elective positions ay sa Oct. 1 hanggang 8 na.
Ang campaign period para sa national positions ay nakatakda sa February 8 hanggang May 7, 2022; at March 25 hanggang May 7 naman para sa local.
Pero kaakibat niyan dapat masigurong 100% handang-handa tayong lahat, lalo na ang Comelec para iwas-hawahan ng virus.
Hindi na tayo magpapatumpik-tumpik pa, walang oras ang dapat masayang ngayong taon. Dapat trabahuhin na agad ng Comelec ang lahat ng kailangang paghahanda sa gaganaping halalan.
Bilang chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, obligasyon ng inyong lingkod na mamitik sa mga nangunguyakoy at siguraduhing walang “mañana habit” o “mamaya na” sa mga dapat gawin agad.
Take note, ang pagpaplano para sa eleksiyon ay naging mas kumplikado dahil sa pandemya. Remember, hindi garantiya ang bakuna na wala nang hawahan ng virus na mangyayari kapag nagkaroon na ng siksikan sa mga presinto.
Sa harap nito, IMEEsolusyon d’yan ay mega-push tayo sa Senate Bill No 1104 noon pang Oktubre na magkaroon ng early voting ang mga senior at PWDs. Idaragdag dito ang mga health workers, poll watchers, teachers, mga pulis, militar at mga taga-media.
Ang kagandahan na mauna sila sa pagboto, iwas-COVID para sa vulnerable sectors at maiingatan ang kalusugan ng mga frontliners. Huwag nating pahirapan ang mga nakatatanda at may kapansanan na makipagsiksikan sa araw mismo ng eleksiyon kung may paraan naman para mauna sila. Agree?
Nagpaparamdam na rin tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte na sana nga, sertipikahan bilang urgent ang early voting. Kumpiyansa naman tayong mapagbibigyan tayo ng ating mahal na Pangulo.
Comments