ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 28, 2021
Wala nang anim na buwan ang natitira, maghahain na ng kandidatura sa Oktubre ang mga tatakbo sa May 2022 elections. Pero, gaano na ba kahanda ang pamahalaan partikular ang Commission on Elections, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya?
Dapat nating masiguro ang safety sa COVID-19 ng milyun-milyong botante kabilang ang nasa 9.8 milyong senior citizens, 9.2 milyong indigenous people (IPs), 2.2 milyong buntis at 1.7 milyong may kapansanan o persons with disability (PWDs) na dapat bigyan ng alternatibong “arrangement” ng pagboto.
Hindi biro at hindi dapat maliitin ang sitwasyong nasa pandemya tayo at ang pangamba nilang mahawaan ng sakit habang bumoboto. Hindi pa kasama riyan ‘yung mga guro, poll watchers, pulis at sundalo, maging taga-media na full time ang pagtutok sa kanilang trabaho sa araw ng eleksiyon.
Napakahalagang ngayon pa lang ikinakasa na kung paano sila boboto, lalo na’t may pandemya at hindi malayo ang posibilidad na maging super spreader ng virus ang mga lugar ng botohan. Kailangan talagang may mga grupong makaboboto ng mas maaga at maisaayos agad ang sistema para dito.
IMEEsolusyon natin d’yan ay ang Senate Bill 1104 o Early Voting bill na itinutulak natin noon pang 2019. Ngayong may pandemya, dapat natin palawakin ang listahan ng mga delikadong grupo ay isama ang mga tagapaglingkod sa araw ng eleksiyon. Dalawa hanggang 30 calendar days bago ang itinakdang petsa ng eleksiyon ang inirerekomenda natin para sila makaboto ng maaga.
IMEEsolusyon din para sa Comelec, eh, kailangang maiayos na mas madaling mapuntahan ang mga polling precincts para sa mga lolo’t lola, buntis at PWDs. Gayundin ang mga masasakyan ng mga IPs na nakatira sa mga malalayong bundok. Gamitin bilang voting venues ang outdoor facilities tulad ng mga stadium, auditorium, multi-purpose halls at mga parking lot sa mga mall.
Para umusad naman ‘yan, kailangang badyetan ang nasabing safety measures at mga taong kikilos para rito, lalo na’t inaasahan nating magdodoble ang work shift ng mga guro sa eleksiyon.
Dagdag pa rin sa IMEEsolusyon ng Comelec ang mail-in voting na dapat masimulan na kahit sa iilang lugar muna, lalo na’t inihayag naman ng Philippine Postal Corporation na kakatapos lang ng pag-upgrade sa kanilang computer system.
Mabilis ang oras at araw, ‘wag na nating pairalin ‘yung ugali na kung kailan malapit na saka lang doon kikilos. Buhay ang nakataya sa mga handang bumoto sa eleksiyon, ha! ‘Wag natin silang pahirapan, lalo na ang mga matatanda, buntis, PWDs at mga frontliners sa eleksiyon!
Comments