ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | November 4, 2023
Bagaman may ilang ulat ng karahasan, partikular sa ilang rehiyon sa bansa, ang nagdaang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ay naging tagumpay sa kabuuan, ayon sa Commission on Elections. Naiproklama na rin ang mga naihalal na opisyal.
At pakiusap natin sa mga nagwagi, sana’y maging makatotohanan sila sa kanilang mga ipinangako noong kampanya. Kung ano ang nakalagay sa kanilang plataporma, sana, yun ang maging pundasyon nila sa pagsisilbi. At para naman sa ating mga kabataang lider, ang SK, maging kaakibat sana kayo ng ating barangay officials sa pagsusulong ng pagbabago sa inyong mga respetadong komunidad.
Ang inyong lingkod ang author ng Republic Act 11768 na nagpapalakas sa kapangyarihan ng SK upang mas maging progresibo ang kanilang ginagampanang papel sa lipunan. Sa ating nilikhang batas, mas binigyan natin ng responsibilidad ang SK members upang mas makilala sila sa larangan ng pagtulong, kaysa sa mga simpleng sportsfest at pageants.
At mabalik tayo sa usapang eleksyon, liban sa ilang insidente ng kaguluhan sa ilang rehiyon, andu’n pa rin ang reklamo ng ating mga botante lalo na mula sa hanay ng mga senior citizen at mga PWDs.
Sa natanggap kasi nating mga report, maaga pa lamang, dakong alas-5 pa lamang ng umaga, nasa voting precincts na ang mga nakatatanda para makaboto na nang mas maaga at di na makasabay pa sa mahahabang pila. Pero hindi pa rin pala talaga sila makakaaiwas sa mga problema -- hindi raw sila pinayagang bumoto agad. Sabi ng election officers sa kani-kanilang mga lugar, hindi raw sila pumayag sa early voting ng seniors dahil wala naman daw instructions sa kanila ang Comelec.
May nauna mang instruction ng early voting for seniors and PWDs, pero dalawang LGUs lang ang pinayagan: Ang Naga at ang Muntinlupa. At ang siste pa po, naghintay pa rin ng hanggang alas-7 ng umaga ang seniors at PWDs sa dalawang nabanggit na lugar bago pinayagang makaboto.
Nakakaawa ang mga lolo’t lola na kailangang umakyat ng ilang hagdan para puntahan ang mga poll precincts nila. May ibang usapin naman na may mga PWDs at seniors naman na hindi pumayag na iba ang maghuhulog ng kanilang balota sa ballot box, na naiintindihan naman natin.
Mahirap nga namang magtiwala sa mga panahong ito, lalo na ang sagradong boto natin.
Pero sa kabuuan ng pilot implementation ng early voting para sa PWDs and seniors, naging maayos naman daw ito, ayon kay Comelec chair George Garcia. Kaya nga nakiusap si chairman Garcia na kung puwede raw, bago pa dumating ang 2025 elections, magkaroon na ng batas na nagpapatupad nito.
Naghain po tayo ng Senate Bill 777 noon pang Hulyo 2019 at ang pakay nga po natin sa panukala nating ito ay bigyang prayoridad ang seniors at PWDs na makaboto nang mas maaga kaysa mga regular na botante. Bigyan sila ng eksklusibong lugar para makaboto at hindi yung kailangan pa silang umakyat ng ilang palapag o lumakad nang napakalayo.
Sinabi rin natin sa ating panukala na sa loob ng 15 araw bago ang mismong halalan, ibigay sa kanila ang dalawang araw mula rito para mauna nang makaboto.
Marami na tayong naisagawang pagdinig para sa batas na ito. At sana nga, sa mga susunod na buwan ay matalakay na ito sa Senado. Nauna na pong magpasa ng kanilang sariling bersyon ang Kamara kaugnay ng panukalang ito kaya sana naman, maipasa na rin ito sa Mataas na Kapulungan.
Malaking tulong ito sa ating vulnerable voters na muling sasabak sa botohan sa 2025.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments