top of page
Search
BULGAR

Eala, swak sa 2nd round ng ITF; Karatekas, handa na sa WOQ

ni ATD - @Sports | May 20, 2021




Umentra sa susunod na round si Filipina tennis star Alex Eala matapos pagpagin ang kalaban sa first round ng kanyang unang International Tennis Federation (ITF) World Tennis Tour, pro doubles kahapon sa W25 Platja D'Aro tournament sa Spain.


Nakipagkampihan si 15-year-old Eala kay Oksana Selekhmeteva ng Russia upang kalusin sina Valeria Koussenkova at Warona Mdlulwa, 6-2, 6-0.


Halos hindi pinawisan sa laro sina Eala at Selekhmeteva, nagmistulang ensayo lang dahil madali nilang pinatalsik ang kanilang kalaban, ni hindi man lang umabot ng isang oras.


Makakalaban nina Eala at Selekhmeteva sina Russian pair Sofya Lansere at Vlada Koval ngayong araw, kailangang doblehin ang kanilang tikas dahil mga tigasin din ang katapat.


Medyo matagal na natengga si Eala, inabot din ng halos isang buwan bago muling pumalo ang pambato ng Pilipinas, huli noong Abril sa W60 Bellinzona kung umabot siya sa Round-of-16.


Nakatakda ring lumaro si Eala sa Singles event kaya naman kailangan niyang pahabain ang kanyang resistensya.


Samantala, handa na ang National Karatekas sa World Olympic qualifier sa Hunyo 11 hanggang 13 sa Paris, France. Atat na silang lumaban matapos ang matinding pagsasanay na ginawa sa training camp sa Istanbul na nagsimula noong Marso 15.


Pakay ng national karatekas na makasilo ng ticket para sa Tokyo Olympic Games na gaganapin sa Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.


Nakabalik na ng Pilipinas ang tropa ng Karate Pilipinas at nagpapasalamat ang mga ito sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman William "Butch" Ramirez dahil sa mga suportang ibinibigay. “Thank you PSC and the staff that arrange the welcome home salubong for our athletes,” patungkol ni Karate Pilipinas president Richard Lim sa suporta ni Ramirez.


Mangunguna sina 2019 Southeast Asian Games gold medalists Junna Tsukii at Jamie Lim ang kampanya ng Pilipinas sa World Olympic qualifier. Kasama rin sina 2019 SEA Games bronze winner Joanne Orbon, Sharief Afif, Ivan Agustin at Alvin Bactican.


0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page