top of page
Search
BULGAR

Eala, kampeon sa ITF Nadal World Tennis Tournament

ni Gerard Peter - @Sports | January 26, 2021




Nagpamalas ng angking determinasyon, tibay ng loob at katatagan ang Filipino teenage phenom na si Alex Eala upang talunin ang hometown bet na si Yvonne Cavalle-Reimers ng Spain para makamit ang kauna-unahang professional title sa ITF Rafael Nadal Academy World Tennis Tour Tournament, Linggo ng gabi sa Manacor, Mallorca, Spain.


Hindi natinag ang 15-anyos na Pinay tennis player sa pagkatalo sa unang set ng singles finals match at halos blangkuhin ang Spaniard tennister sa second set at tuloy-tuloy na makuha ang momentum ng laro para sa 5-7, 6-1, 6-2 panalo sa mahigit dalawang oras ng pakikipagpaluan.


Halos mag-iisang taon na rin nang magwagi sa Australian Open Juniors Doubles noong Enero 31, 2020 si Eala katulong si Priska Madelyn Nugroho ng Indonesia para sa kanyang juniors Grand slam title.


Bago ito makatuntong sa finals ay pinadapa muna nito si Anna Paridisi ng Italy, 6-1, 6-2 sa Round of 32 at sinunod si top-seed Seone Mendez ng Australia sa iskor na 6-4, 6-1 sa round-of-16, habang dumaan sa matinding palitan ng panalo laban kay fifth seed Carole Monnet ng France via 6-7, 7-6, 6-4 sa quarterfinal round.


Humataw ng 6-3, 6-4 panalo ang rank No.2 sa ITF juniors sa semifinals ng gapiin nito si Adithya Karunaratne ng Hong Kong sa pamamagitan ng 6-3, 6-4 para iguhit ang tadhana laban sa 28-anyos na Spanish veteran na may anim na ITF titles.


Malugod namang binati ng Rafael Nadal Academy ang nakuhang tagumpay ni Eala sa pro-circuit na kumubra rin ng papremyong $15,000.00 bilang grand prize sa naturang torneo. Nakabawi ito sa kanyang semifinal match sa French Open girls’ single tournament noong isang taon.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page