ni Anthony E. Servinio @Sports | May 17, 2023

Naihabol ng Emilio Aguinaldo College-Cavite ang huling upuan sa quarterfinals sa pagwawakas ng elimination round ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament Lunes sa Bestlink College of Philippines sa Novaliches, Quezon City. Tinalo ang bisitang Vanguard ang host Kalasag, 98-96, kasabay ng pormal na pagbubukas at pagbendisyon ng kanilang bagong gym.
Sumandal ang EAC sa mga free throw nina Voshon Calipco at JR Ilustrisimo sa huling minuto upang protektahan ang kanilang lamang na 77-64 sa simula ng fourth quarter.
Pumasok ang dalawang paaralan sa laro bitbit ang parehong 2-8 panalo-talo.
Namuno sa Vanguard si Calipco na may 25 at sinundan ni Ilustrisimo na may 18 at Francis Sollestre na may 17 puntos. Pumantay ang EAC sa Polytechnic University of the Philippines sa 3-8 subalit lamang ang Vanguard sa bisa ng kanilang 88-79 panalo sa Radicals noong Marso 29.
Sa ibang laro, pormal na nasungkit ng PATTS College of Aeronautics ang ikalawang pwesto sa 75-55 dominasyon sa De La Salle University-Dasmarinas. Bumida sa Seahorses sina Jakeem Fernandez na may 18 at Elijah Jamon na may 14 puntos.
Ipinakita ng Asian Institute of Maritime Studies ang kanilang kahandaan sa quarterfinals at pinisa ang kulelat na Lyceum of the Philippines University-Laguna, 119-95. Pitong Blue Shark ang nagtala ng 10 o higit na puntos sa pangunguna ni Alexis Himan na may 20 at Jericho Peralta na may 17.
Susunod para sa AIMS ang Immaculada Concepcion College. Parehong 9-2 ang PATTS at ICC subalit wagi ang Seahorses, 76-74, noong Abril 17 kaya haharapin nila sa quarterfinals ang EAC.
Comments