ni Eli San Miguel - Trainee @News | April 4, 2024
Simula Abril 15, ipinagbabawal na ang mga tricycle, pushcart, pedicab, kuliglig, e-bike, e-trike, at mga light electric vehicle sa mga national roads sa Metro Manila.
Muling ipinaalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipinagbabawal din ang mga sasakyan na ito sa mga circumferential at radial roads alinsunod sa MMDA Regulation No. 24-002 Series of 2024.
Ito’y dahil sa pagtaas ng bilang ng mga light electric vehicles sa mga lansangan at ang mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan nila.
Papatawan ng multa ang mga lumalabag, sa halagang P2,500, habang kukumpiskahin naman ang mga sasakyan nila at tuluyang kukumpiskahin kung hindi rehistrado at/o hindi magpapakita ng lisensya ang driver.
Sinabi ng MMDA na saklaw ng regulasyon ang mga sumusunod na kalsada:
— Recto Avenue
— President Quirino Avenue
— Araneta Avenue
— Epifanio delos Santos Avenue
— Katipunan/C.P. Garcia
— Southeast Metro Manila Expressway
— Roxas Boulevard
— Taft Avenue
— Osmena Highway or South Super Highway
— Shaw Boulevard
— Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard
— Quezon Avenue /Commonwealth Avenue
— Andres Bonifacio Avenue
— Rizal Avenue
— Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway
— Elliptical Road
— Mindanao Avenue
— Marcos Highway
— Boni Avenue
— Espana Boulevard
Comments