top of page
Search
BULGAR

E-Governance Act, para sa mas maayos na serbisyo publiko

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 12, 2023

Hindi na katulad ng dati ang panahon ngayon. Kasabay ng pagsulpot ng mga makabagong teknolohiya, iba’t ibang uri rin ng problema at mga hamon ang ating kinakaharap. Kabilang na rito, ang pagtaas ng bilang ng mga krimeng nagaganap sa cyberspace.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police, ang bilang ng mga cybercrime sa Metro Manila sa first half ng 2023 ay tumaas ng 152% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Hindi natin maaaring palampasin ang ganitong uri ng krimen. Kahit saan man ito mangyari, online man o hindi, kailangang panagutin ang mga taong nasa likod nito.

Kasama sa ating mga hakbangin upang maresolba ang isyu ng cybercrime, ang pagsiguro na ang gobyerno ay makakasabay sa pangangailangan ng panahon ngayon gamit ang teknolohiya. Kaya ko ipinaglalaban ang pagtataguyod ng E-Governance Act.

Kung maipasa, layunin ng panukalang batas na ito na magtatag ng isang integrated at interconnected na information at resource-sharing network na sasaklaw sa national at mga local government units sa bansa. Sa ilalim ng panukalang ito, dapat tayong magkaroon ng internal records management information system, information database, at digital portals para sa mas maayos na paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan.

Naniniwala akong malaki ang maitutulong ng E-Governance Act hindi lamang sa paglaban sa cybercrime kundi mailapit ang serbisyo publiko sa mga nangangailangan nito. Ang pagkakaroon ng mga digital portal para sa paghahatid ng public services ay magbibigay-daan sa mas mahusay na pagsusuri at pag-monitor ng mga transaksyon upang maproteksyunan ang kapakanan ng ating mga kababayan.

Sa pamamagitan ng institutionalization ng E-governance roadmap, mas mabilis ang pagkuha ng impormasyon at serbisyo mula sa pamahalaan. Sa halip na pumila ng ilang oras, o kaya’y bumiyahe ng malayo, mapapadali na natin ang proseso sa pamamagitan ng isang click lamang.


Kaya natutuwa ako na isa rin ito sa prayoridad ng kasalukuyang administrasyon.

Maliban dito, ang panukalang ito ay nagtataguyod din ng digitalization ng mga paper-based na proseso upang maabot ng gobyerno ang mas mataas na efficiency at transparency sa mga serbisyong pampubliko. Kaya mas lalong mailalapit natin ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino nasaan man sila sa mundo.

Isa rin ako sa mga co-author at co-sponsor ng Internet Transactions Bill na kung maipasa ay magbibigay ng proteksyon sa mga consumers at sellers na nakikipagtransaksyon sa pamamagitan ng internet.


Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng E-Commerce Bureau na mangangasiwa sa regulasyon ng internet transactions para maiwasan ang anumang uri ng panloloko gamit ang internet.

Aminado tayo na ang digital transformation sa pamahalaan ay isang malaking hakbang, ngunit kinakailangan natin ito. Tulad ng mga pribadong sektor na naka-adapt na sa e-commerce platforms para mapabuti ang kanilang mga serbisyo, dapat ring maka-adapt ang pamahalaan at magkaroon ng kakayahang harapin ang mga hamon ng makabagong panahon.

Samantala, sa kabila ng ating pagtugon sa problema ng makabagong panahon, patuloy rin tayo sa paglilingkod sa ating mga ordinaryong kababayan. Hindi ako titigil sa pagtulong sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo.

Noong July 11, tayo ay nagpunta sa Trece Martires City, Cavite upang mag-abot ng tulong sa 1,330 na mga mahihirap na residente roon. Ang relief effort na ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng opisina ni Mayor Gemma Lubigan. Bilang adopted son ng CALABARZON region, ang bawat ngiti at pasasalamat na ating natanggap mula sa kanila ay sapat na upang mapawi ang ating pagod.

Noong July 10, nagtungo naman tayo sa Quezon City para mamahagi ng tulong sa 210 na mga biktima ng sunog at 1,000 indigents sa lugar, katuwang ang tanggapan nina Congressman PM Vargas at Councilor Alfred Vargas.

Samantala, sa loob ng mga nakaraang araw, namahagi rin tayo ng tulong sa mga kababayan natin sa iba’t ibang parte ng bansa, gaya ng mga 550 pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Sto. Domingo, Albay, at mga mahihirap nating kababayan na may hinaharap na iba’t ibang krisis at sakuna, tulad ng 750 sa Tangalan, Aklan; 100 sa Balayan, Batangas at 55 pamilyang apektado ng sunog sa Quezon City.

Mananatili tayong matatag, nagkakaisa, at nagtutulungan. Unahin natin ang kapakanan ng mga mahihirap at magmalasakit tayo para matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sama-sama nating harapin ang mga hamon ng makabagong panahon tungo sa isang mas ligtas at progresibong Pilipinas.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page