top of page
Search
BULGAR

E-Gilas, nagtala ng 3 wins sa FIBA ESports Open II

ni VA / Anthony E. Servinio - @Sports | November 16, 2020




Namayani ang Pilipinas at Australia sa unang araw ng 2020 FIBA ESports Open II Sabado ng gabi matapos parehong magtala ng tatlong panalo at maagang siguraduhin ang kanilang pagharap para sa kampeonato ng Timog Silangang Asya at Oceania. Ang seryeng best-of-three para sa kampeonato ay nilaro noong Linggo ng gabi.


Hindi maganda ang simula ng kampanya ng E-Gilas at natalo agad sa mga Australyano, 53-70. Subalit hindi sumuko at bumawi ang mga Pinoy sa pamamagitan ng tatlong sunod-sunod na tagumpay.


Nahanap ng Pilipinas ang kanilang paboritong sandata, ang three-points na hindi gumana laban sa Australia, at binuhos ang sama ng loob sa Indonesia, 65-37. Nanguna para sa mga Pinoy sina Aljon Cruzin na may 28 puntos at Rocky Brana na may 17 puntos.


Sumunod ang pangalawang pagharap sa Australia at nakaganti ng malaki ang Pilipinas, 81-55. Nagpaulan muli ng kaliwa’t kanan na tres ang E-Gilas upang lumayo agad at nagulat na lang ang kalaban.


Biglang nasubukan ang tibay ng loob ng mga Pinoy sa 65-50 na pangalawang panalo sa Indonesia. Sinayang ng Pilipinas ang 53-40 at nagpasabog ng 10 sunod-sunod na puntos ang mga Indones upang manakot, 50-53, subalit sinagot ito ng apat na tres sa loob ng huling minuto ng mainitang laban upang makatakas.


Tinalo rin ng Australia ang Indonesia ng dalawang beses, 75-61 at 80-59. Tabla ang Pilipinas at Australia sa kartadang 3-1 panalo-talo habang walang panalo ang Indonesia na 0-4 upang magpaalam kahit may nakatakdang tig-dalawang laro ang mga koponan sa elimination round.


Samantala, isang panalo nalang ang kailangan ng Saudi Arabia para umulit bilang kampeon ng Gitnang Silangan kontra sa Lebanon, 3-1. Nanalo ang mga Saudi sa unang laro, 73-69, pero natabla ng Lebanon ang serye sa pangalawa, 56-50.


Nagising ang Saudi Arabia at kinuha ang sumunod na dalawang laban, 62-45 at 71-64. Sa Aprika, lumamang ng walang hirap ang Cote d’Ivoire, 3-0, bunga ng suliranin sa internet sa panig ng Gabon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page