ni Mai Ancheta @News | July 14, 2023
Sisimulan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-iisyu ng electronic driver's license matapos ipalabas ang implementing guidelines para sa digitalization ng ahensya.
Batay sa inilabas na LTO Memorandum Circular No. HAV-2023-2410, lahat ng may valid driver's license ay mabibigyan ng access sa eDL module.
Ayon kay LTO Officer-in-Charge Assistant Secretary Hector Villacorta, ang eDL ay isang valid, ligtas at alternatibong pagkakilanlan ng indibidwal na gumagamit ng sasakyan.
Ang mga motoristang magkakaroon ng eDL ay makakagamit din ng kaparehong pribilehiyo ng mayroong physical driver's licence.
Inaatasan ng LTO ang lahat ng deputized agents na kilalanin ang eDL bilang valid na lisensya para makagamit ng motor vehicle.
Kapag nasita, kailangan lamang ipakita ang eDL sa Land Transportation Management System (LTMS) online portal account, at ang mga hindi makapagpakita ng kaniilang eDL ay ikukonsiderang lumabag sa kabiguang magdala ng lisensya.
Ang mga mahuhuling motorista ay maiisyuhan pa rin ng Temporary Operator's Permit (TOP) 0 Electronic Temporary Operator's Permit (eTOP) at dapat na maasikaso ito sa loob ng 72 oras.
Kapag mayroong hindi nabayarang violation ang eDL holder, masususpinde ang LTMS account nito at hindi papayagan ng LTO na gamitin ang screen shot o larawan ng kanyang eDL.
Comments