top of page
Search
BULGAR

E-bikes at e-trikes, dapat isyuhan na rin ng plaka

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 19, 2024


Isa sa pinakamagandang hakbangin ng Land Transportation Office (LTO) ay ang pagsasagawa ng konsultasyon sa mga stakeholder bago bumuo ng guidelines at regulations para sa mga may-ari ng e-bikes at mga ‘di rehistradong electric vehicles.


Inanunsyo ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na kailangang konsultahin ang nasabing sektor para malaman kung dapat ipatupad ang pagpaparehistro ng e-vehicles o kung dapat bang obligahin ang mga gagamit nito na magkaroon ng driver’s license.


Kinumpirma naman ni Mendoza na ang nasabing konsultasyon ay kaugnay ng utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista na kausapin ang stakeholders bago i-finalize ang regulations para sa e-bikes.


Madalas ay pinupuna natin ang mga ahensya ng pamahalaan dahil sa pagkukulang, ngunit sa pagkakataong ito ay bigyan natin ng pagsaludo ang pamunuan ng LTO dahil sa napakaganda nilang hakbanging ito.


Matagal na kasing umiingay ang nakaambang paghihigpit sa e-bike at e-trikes, na pinagbibigyan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng sariling ruta at ipagbabawal na sa main road.


Dahil sa napakarami ng e-bikes at e-trikes sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay napakaganda ng naging desisyon ng LTO na kausapin muna silang lahat bago magpatupad ng ano pa man.


Sa ganitong paraan, maiiwasan ang hidwaan sa pagitan ng mga kababayan nating ang pamamasada gamit na e-trike lamang ang kanilang pinagkakakitaan.


Malaking problema rin kasi na wala namang driver’s license ang mga nagmamaneho ng e-bikes at e-trikes kaya mahirap silang displinahin dahil sa hindi sila mapapanagot.


Problema rin na naglipana na ang e-bikes at e-trikes na sakaling masangkot sa aksidente ay walang mga rehistro.


Ngunit, ngayong itutuloy na ng LTO ang plano nilang konsultasyon ay inaasahang magiging maayos na ang lahat.


‘Yan ang pinakatamang naisip ng LTO, maiiwasan ang kaguluhan dahil magkakaroon na ng panuntunan at regulasyon na pare-pareho nilang napagkasunduan.


Karaniwang gawang China kasi ang mga e-bikes at e-trikes, at napakagaan at maliliit ang mga bakal lalo na ‘yung e-trikes na sinasakyan ng mahigit sa anim na pasahero, na kung mababangga ay tiyak na durog, kaya dapat na talagang umaksyon ang pamahalaan.


Hindi hamak na matibay ang tricycle sa mga e-trike na ito, at ang tanging lamang ng e-trike ay balanse ang mga gulong at hindi maingay kumpara sa tricycle na sobrang sikip.


Kung ang tricycle ay hinuhuli kapag dumaraan sa main road, bakit ang e-trikes ay hindi lalo na sa Pasay City na sanay na ang mga tao na sumakay sa e-bike na may sidecar at e-trike.


Dapat lang talaga na isyuhan na rin ng plaka ang mga e-trikes at e-bikes dahil kahit sa kahabaan ng EDSA ay may nakikitang e-bikes na nakikipagsabayan sa motorsiklo at hindi nagsusuot ng helmet.


Sana, isama na rin ‘yung mga naka-e-scooter na akala mo ay laruan lamang pero ginagawa nang normal na transportasyon ng ating mga kababayan at karaniwan ay mga bata lamang ang nagmamaneho at nakikipag-agawan pa sa lansangan.


Marami ng motorista ang excited sa pagbabagong ito sa ating mga kalsada – sana maramdaman na ito pagkatapos ng Mahal na Araw.


Sa expressway ay hindi puwedeng dumaan ang mga maliliit na sasakyan lalo na ang motorsiklo dahil delikado umano — sana naman ay bigyan din ng sukat ang bigat ng e-bike na papayagan sa lansangan dahil sobrang dami ng maliliit kabilang na d’yan ang scooter na walang upuan at nakatayo lamang ang nagmamaneho.


Hindi na kasi ‘yan mapapansin ng mga truck driver kapag tumabi sa kanilang malaking sasakyan -- kapag biglang lumiko ang truck at hindi sila napansin ay tiyak na sa sementeryo sila pupulutin at kasalanan ng kawawang truck driver.


Ang laki na pala talaga ng epekto ng e-bikes at e-trikes, pero may mabuti naman silang epekto sa kalikasan, kaya nga kahit ang mga kotse ay unti-unti nang ginagawang electric.


Huwag naman sanang sasama ang loob ng mga may-ari ng e-bike at e-trike dahil para sa kapakanan n’yo rin ang iniisip ng pamahalaan upang hindi tayo magsisisi sa huli.


Sa LTO, congratulations at good luck para sa tagumpay ng hakbangin n’yong ito!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page