top of page
Search
  • BULGAR

Dyip, sinagasaan ang boltahe ng Bolts, Ildefonso, out sa UAAP

ni Clyde Mariano @Sports | January 29 2023



Naitala ng TerraFirma Dyip ang unang panalo sa 2023 PBA Governors' Cup nang makamit ang tagumpay, 96-88 laban sa Meralco Bolts kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nakalamang ang Dyip sa halos 17 puntos sa 4th quarter pero kailangan nilang magtuluy-tuloy ng momentum hanggang sa huling minuto bagamat dumikit ang Bolts sa six points.


Malaking pasalamat ang TerraFirma sa matikas na laro ni Eric Camson na sumunggab ng rebound mula sa nagmintis na three-pointer at saka bumanat ng layup para bigyan ang Dyip ng 92-84 na kalamangan sa nalalabing 23.9 segundo ng laro.


Bumanat si Juami Tiongson para sa TerraFirma ng 30 points, at itala ang anim sa kanyang pitong tres puntos para pag-ibayuhin ng Dyip ang kartang 1-1 sa conference.

Ito ang unang talo sa Governors' Cup ng Bolts makaraan ang 2-0 na panimulang kartada, pero nanatili pa rin silang solo first place sa league standings.


Samantala, nagdesisyong magpahinga muna sa paglalaro ng volleyball si Sofia Daniela “Pia” Ildefonso sa hindi inihayag na kadahilanan, upang hindi ito mapabilang sa line-up ng Ateneo Lady Blue Eagles sa 85th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament ngayong Pebrero.

Inanunsiyo ng 20-anyos na sophomore player sa kanyang social media ang mabigat na desisyon na lumiban muna sa paglalaro sa darating na kampanya sa indoor collegiate league nitong Sabado. “God knows how much love I have for this bunch. Always thankful and forever grateful for this team, all the opportunities, and blessings,” pahayag ni Ildefonso sa kanyang Instagram post. “Definitely the toughest decision I’ve made. I’m choosing to face, fight, and grow through life’s battles outside the sport I love most, dagdag ng 5-foot-9 hitter na hindi tinukoy ang tunay na dahilan ng pinagdadaanan at desisyon.

Minsan nang dumaan sa matinding pagsubok ang anak ni dating two-time PBA MVP at nine-time champion at kasalukuyang assistant coach ng Converge FiberXers na si Danny Ildefonso, ng tamaan ito ng malalang sakit nung anim na taong gulang pa lamang ito.

Subalit nanatiling matibay ang kanyang pamilya upang labanan at malampasan ang naturang karamdaman.

Pumasok sa iba’t ibang pampalakasan si Pia mula sa basketball, swimming at triathlon, na tulad ng nakatatandang kapatid na basketball players na sina Sean at Dave, nagsimulang umusbong ang karera sa larangan ng volleyball ni Pia sa Nazareth School of National University, habang lumipat ito sa Ateneo noong nagdaang 84th UAAP gayundin ang kampanya sa Shakey’s Super League at V-League.

Nagpamalas rin ito ng laro para sa Ateneo sa 85th season ng UAAP women’s Beach Volleyball Tournament noong isang taon.

0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page