ni Madel Moratillo | March 10, 2023
Humirit si Vice President at Education Sec. Sara Duterte sa Commission on Elections na ibigay nang mas maaga ang honararia ng mga gurong nagsisilbi sa halalan.
Sa kanyang talumpati sa National Elections Summit na pinangunahan ng Comelec, hiniling ni VP Sara na i-advance ang honoraria bago ang araw ng halalan, kung pwede ay maisabay din aniya maging ang para sa mga pulis.
Ayon sa Bise Presidente, marami rin kasing gastos ang mga ito para makapagsilbi sa halalan gaya ng sa transportasyon, pagkain at iba pang pangangailangan.
Sagot naman ng poll body, sa pamamagitan ni Comelec Chairman George Garcia, pwede naman nila itong pagbigyan.
Katunayan, nagawa na aniya nila dati na ibigay ang 50% na honoraria ng mga guro bago ang araw ng eleksyon, at 50% pagkatapos ng halalan.
Pero nagkaproblema naman aniya sila sa Commission on Audit dahil may ilang guro ang hindi nakarating sa araw ng eleksyon dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Ang iba rito, natakot sa banta sa seguridad.
Sa kanyang talumpati sa summit, nagpahayag din ng pangamba si VP Sara sa mga insidente ng pamamaslang at pananambang sa ilang halal na opisyal.
Hiniling din niya sa Comelec ang paggamit ng makabagong teknolohiya para masawata ang mga insidente ng dayaan sa halalan.
Inihalimbawa niya ang mga multiple voter na noong alkalde pa siya ay na-encounter nila.
Hiniling din ni VP Sara na maisama ang voter education sa K to 12 para maaga pa lang ay maturuan na ang mga bata sa kahalagahan ng pagboto.
Comments