Duterte senatorial slate kumpleto na, Marcos admin, kulang pa, anyare?
- BULGAR
- 1 hour ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 22, 2025

SENATORIAL LINE-UP NG PAMILYA DUTERTE KUMPLETO NA, SA ADMINISTRASYON KULANG NG ISA -- Ang dating 10 kandidato sa pagka-senador ng pamilya Duterte ay naging 12 nang umanib sa kanila si Sen. Imee Marcos na kumalas sa “Alyansa ng
Bagong Pilipinas” ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), at kukunin namang guest candidate ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio si Las Piñas City Rep., senatorial candidate Camille Villar.
Kumpleto na ang 12 senatorial candidate ng mga Duterte, at sa kabilang banda naman, kulang ng isa ang mga kandidato ni PBBM sa pagka-senador dahil nga ayaw na ni Sen. Imee na maging parte pa ng senatorial slate ng Marcos administration.
Sa kasaysayan ng pulitika sa ‘Pinas, ngayon lang nangyari na hindi kumpleto ang 12 senatorial candidate ng administrasyon, period!
XXX
MATAPOS IENDORSO NI VP SARA SA PAGKA-SENADOR SI MARCOLETA, MALAKI ANG TSANSA NITO NA PUMASOK NA SA TOP 12 SENATORIAL SURVEY -- Matapos iendorso ni VP Sara ang kandidatura sa pagka-senador nina Sen. Imee at Cong. Camille ay inendorso naman ng bise presidente sa pagka-senador si Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta.
Dahil diyan ay asahan nang sa mga susunod na araw ay papasok na rin sa top 12 senatorial survey si Marcoleta, abangan!
XXX
SEN. PADILLA DAPAT NANG MAGBITIW SA PAGIGING PDP PRESIDENT -- Binatikos ng mga miyembro ng Partido Demokratiko ng Pilipino (PDP) ang party president nila na si Sen. Robin Padilla dahil sa pag-iendorso nito ng mga kandidato sa pagka-senador na hindi miyembro ng kanilang political party.
Kung hindi babawiin ni Padilla ang endorsement niya sa mga candidate na hindi naman nila ka-partido, ang dapat gawin ng senador ay mag-resign na lang siya bilang pangulo ng PDP, boom!
XXX
BAKA IKATALO NI MAYOR ALONG MALAPITAN ANG STL NG MGA CHINESE -- May impormasyon na humihina na raw ang suporta ng mga taga-Caloocan City kay Mayor Along Malapitan dahil wala raw itong ginagawang aksyon sa panawagan ng Catholic church para mapa-stop ang Small-Town Lottery (STL) na inu-operate ng mga Chinese sa lungsod.
Dapat kumilos na si Mayor Along sa panawagan sa kanya ng Catholic church kasi kung patuloy niya itong dededmahin, iyang STL ng mga Chinese ang magiging sanhi ng pagkatalo niya sa pagka-alkalde ng Caloocan City, period!