ni Zel Fernandez | April 28, 2022
Pinaiimbestigahan ni Pangulong Duterte sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagkamatay ng isang pulis, kabilang ang nasawing drug suspek, sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Biga, Tanza, Cavite nitong nakaraang Abril 24.
Giit ng pangulo, kung nagkataong suspek lamang ang namatay sa insidente kamakailan, tiyak umanong lalabas na namang masama ang mga pulis at palalabasing salvage o sadyang pinatay ang suspek.
At dahil mayroon umanong miyembro ng kapulisan ang namatay sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad kontra-droga, nais ni Duterte na siyasatin ng CHR ang puno’t dulo ng insidente upang maging patas ang pagkilala ng hustisya sa bansa.
Paliwanag pa ng pinuno, mula nang magsimula ang kampanya ng kanyang administrasyon kontra-droga, madalas umano na ang hanay ng kapulisan ang nagiging dehado sa tuwing may napapaslang na drug suspek sa mga isinasagawang operasyon at palagi raw itong ‘big deal’ sa komite.
Samantalang kapag mga pulis naman aniya ang namamatay, hindi umano nagtatagal ang balita na mismong sa Kampo Crame lamang umiikot o kaya naman ay sa istasyong kinabibilangan ng nabiktimang pulis, na kalaunan ay kagyat ding nalilimutan ang pangyayari.
Commentaires