ni Anthony E. Servinio @Sports | March 3, 2023
Umakyat sa 16 ang magkasunod na panalo ng rumaragasang Milwaukee Bucks at idagdag na ang Orlando Magic sa mga biktima, 139-117, sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Patuloy din ang paghabol ng Boston Celtics upang mabawi ang liderato at nagwagi sa Cleveland Cavaliers, 117-114.
Hindi nagpreno ang Bucks at umabot ng 26 ang agwat sa 4th quarter, 134-108, papasok sa huling 4 na minuto. Huling natalo ang Bucks sa Cleveland Cavaliers, 114-102, noong Enero 21.
Nagtapos si Giannis Antetokounmpo na may 31 puntos sa 28 minuto lang. Sumunod si Brook Lopez na may 18 puntos. Kalahating laro ang hahabulin ng Celtics (45-18) sa Bucks (45-17). Nanaig si Jayson Tatum sa matinding palitan nila ng puntos ni kapwa All-Star Donovan Mitchell subalit napunta kay Tatum ang huling halakhak sa dalawang paniguradong free throw na may 17.4 segundong nalalabi, 117-110.
Nagtala si Tatum ng 41puntos at 11 rebound habang 23 puntos at 11 rebound si Al Horford. Nasayang ang 44 puntos ni Mitchell at bumaba ang Cavs sa 39-26.
Samantala, nakalaro na si Kevin Durant sa Phoenix Suns at sulit ang paghihintay ng mga tagahanga sa 105-91 na pagwagi sa Charlotte Hornets. Umapoy sa Phoenix si Devin Booker na may 37 puntos at sumuporta si Durant na may 23 puntos.
Sa ibang laro, bumida si Dennis Schroder sa kanyang 26 puntos at tagumpay ang Los Angeles Lakers sa Oklahoma City Thunder,123-117. Humataw para sa 39 puntos si Jalen Brunson at panalo sa ika-7 sunod ang New York Knicks sa kapitbahay na Brooklyn Nets, 142-118.
Tinakasan ng Chicago Bulls ang Detroit Pistons, 117-115. Panalo rin ang Philadelphia 76ers sa Miami Heat, 119-96, at New Orleans Pelicans kontra Portland Trail Blazers, 121-110.
Comentarios