top of page
Search
BULGAR

Durant, inangat ang Nets sa 3-2; Ante, kinakabahan na

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 17, 2021



Kevin Durants vs Bucks-Brad Penner-USA Today Sports


Nakamit ng Brooklyn Nets ang napakahalagang panalo sa Game Five kontra Milwaukee Bucks, 114-108, sa Eastern Conference semis ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Barclays Center. Naglaro ng 48 minutong walang pahinga at nagtala ng triple double si Kevin Durant upang mag-isang angatin ang Nets sa 3-2 lamang sa seryeng best of seven at baka tapusin ito ngayong Biyernes sa Milwaukee.


Naglabas ng sorpresa ang Nets at biglang pinalaro ang pilay na si James Harden subalit hindi ito nakatulong at tumalon ang Bucks sa 32-15 lamang sa simula ng second quarter. Mula roon ay nagtrabaho ng todo si Durant hanggang maagaw ang lamang, 94-93, matapos ang kanyang tres na may 8:36 sa orasan.


Hanggang tabla na lang ang nagawa ng Milwaukee na may 2:24 sa orasan, 104-104, at sinagot ito ng mga free throw ni Harden at anim pang puntos ni Durant upang magtapos na may 49 puntos. Sinundan siya ni Jeff Green na may 27 puntos.


Double-double si Giannis Antetokounmpo na 34 puntos at 12 rebound at dumagdag ng 25 si Khris Middleton. Dalawang koponan ang makakamit ng 3-2 lamang sa kanilang mga serye ngayong araw, sa laban ng Atlanta Hawks sa Philadelphia 76ers. Ang bisitang Los Angeles Clippers at numero unong Utah Jazz.


Samantala, inilabas na ng NBA ang mga kasama sa mga 2021 All-NBA Teams sa pangunguna ni 2021 Kia NBA Most Valuable Player Nikola Jokic ng Denver Nuggets. Kasama ni Jokic sa First Team sina Stephen Curry ng Golden State Warriors, Luka Doncic ng Dallas Mavericks, Kawhi Leonard ng Clippers at Antetokoumpo ng Bucks.


Ang pumangalawa sa botohan sa MVP Joel Embiid ng 76ers ang namuno sa Second Team na kabilang sina LeBron James ng Los Angeles Lakers, Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Chris Paul ng Phoenix Suns at 2021 Kia NBA Most Improved Player Julius Randle ng New York Knicks. Ang Third Team ay binubuo nina 2021 Kia NBA Defensive Player of the Year Rudy Gobert ng Jazz, Bradley Beal ng Washington Wizards, Jimmy Butler ng Miami Heat, Paul George ng Clippers at Kyrie Irving ng Nets.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page