ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 21, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Erick na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
‘Yung bata sa panaginip ko ay panay ang pagdumi at pagod na ako sa kalilinis ng dumi niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Erick
Sa iyo, Erick,
Ganito ang sabi ni Lord Buddha, “Pagmasdan mo ang mga bata, lilinis ang iyong kaisipan.”
Sa katuruan kasi ni Buddha, ang tinatawag na “Eight-Fold Path” ay tumutukoy sa malinis na personalidad, kilos at isip.
Ang kalinisan ng isip, kilos at personalidad ay inilalarawan ng bata dahil ang mga bata ay may dalisay, wagas at malinis na kaisipan, kaya sila ay kumikilos din ng ganu’ng kalinisan.
Maging si Lord Jesus man ay nagpapahalaga sa mga bata, sabi Niya na may diin, “Tumulad kayo sa mga bata at makakapasok kayo sa pintuan ng kaharian ng langit.” Ito ay dahil
ang bata ay may malinis, wagas at dalisay na puso at isip.
Pansamantala, isantabi muna natin ang panrelihiyong pananaw o kasabihan. Sa halip, ang tutukan natin ay ang pang-araw-araw na galaw ng ating buhay kung saan nabubuhay tayo para maabot natin ang ating mga pangarap.
Kaya ang ilagay natin sa ating isipan ay kailangan ng bawat isa— lalo na ikaw— ang malinis, wagas at dalisay na puso at isip dahil ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip.
Ang “dumi” ng bata ay tumutukoy sa mga suwerteng mapasasaiyo, mga suwerteng mula sa pagiging malinis ng iyong pagkatao.
Kaya ang pahabol na sabi ng iyong panaginip, kapag malinis ang iyong personalidad, sobrang matutuwa ka dahil ang dating ng mga suwerte sa buhay mo ay para na ring sinasabing tila ba wala nang katapusan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments