ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Abril 11, 2024
Kamakailan lang ay inulit natin ang panawagan natin sa Philippine Retirement Authority na paigtingin ang pag-screen at pagsuri sa mga applications para sa special resident retiree visas (SRRV).
Bunsod ito ng posibilidad na baka sinasamantala ng “Chinese mafia” ang naturang SRRV.
☻☻☻
Nitong nakaraang linggo, iniulat ng Bureau of Immigration na natimbog nito ang apat na Chinese nationals na pinaghihinalaang responsable sa paglipana ng mga Philippine government-issued identification cards and documents -- kasama ang SRRV -- na ilegal na nakakalap.
Kabilang sa mga nahuli ang itinuturing na mastermind ng operasyon, na kilala raw sa Palawan dahil sa pamemeke at lider ng isang gang na nagbibigay ng mga dokumentong ito sa mga “undesirable aliens” at biktima ng trafficking.
Kasama sa mga na-recover sa operation ang maraming Philippine-issued ID, gayundin, mga driver’s license, postal ID, at mga birth certificate.
☻☻☻
Matagal na nating tinutuligsa ang proseso ng application para sa SRRV.
Naniniwala tayong matagal nang pinagsasamantalahan ang proseso nito, lalo na sa pagpayag na mag-“retire” ang mga aplikanteng nasa 35 taong gulang pa lamang.
Ayon sa record ng PRA, nasa 30,000 ng 78,000 foreign retirees sa bansa ay mga Chinese nationals, at marami sa mga ito ay mga bata-batang “retirees” na pasok pa sa edad ng mga sundalo.
☻☻☻
Nababahala tayo na dumarami ang mga nahuhuling Chinese nationals na nakakapagpresinta ng tunay na Philippine-issued IDs and documents na kumikilala sa kanila bilang mga retirees o ‘di kaya’y Filipino traders.
Seryosong national security concern ang ganitong klaseng mga butas sa proseso ng pagpapapasok ng mga dayuhan sa bansa.
Hindi lang PRA, kundi buong pamahalaan ang magmatyag upang masiguro na walang ilegal na nakapapasok sa bansa, at parusahan ang mga responsable sa ilegal na gawain.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comentários