ni Lolet Abania | June 8, 2021
Nasa 86 residente ang nagpositibo sa COVID-19 matapos magtungo sa isang programa ng pamamahagi ng pagkain sa Quezon City ilang linggo na ang nakakaraan, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Belmonte na 953 mula sa 6,000 na pumunta para sa food distribution program ni QC Councilor Franz Pumaren sa Barangay Old Balara ay sumailalim sa test kung saan 86 ang positibo sa virus.
“We have so far already identified 86 positive cases out of 953 that were tested doon sa event na ‘yan,” ani Belmonte.
Ayon pa sa alkalde, tinatayang limang lugar sa nasabing barangay ang isinailalim na sa lockdown nang dalawang linggo.
Ang mga residente roon ay ite-test sa COVID-19 habang makatatanggap ng assistance mula sa lokal na pamahalaan.
Sinabi rin ni Belmonte na nasa 200 ang average number ng COVID-19 cases araw-araw sa Quezon City at nasa 4,000 naman ang kanilang itine-test kada araw, habang 3,500 contact tracers ang kanilang ipinakalat para i-track ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo.
Nilinaw naman ng Quezon City Police District na wala umanong nilabag na health safety protocols si Pumaren matapos na 6,000 residente ng Barangay Old Balara ang dumagsa sa community pantry program na kanyang inorganisa.
Ayon sa pulisya, nakipag-coordinate si Pumaren sa mga concerned government agencies gaya ng Quezon City Police District, Batasan Police Station 6, at ang opisina sa Old Balara upang masigurong masusunod ang mga protocols.
Comments