ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 12, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Sarah Jane na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na mas maganda sa akin ‘yung kapatid ko? Tapos, malimit magtanong ang asawa ko tungkol sa kapatid ko. Nu’ng una, hindi ko binibigyan ng kahulugan, kaya lang, napapansin ko na palagi na lang siyang nagtatanong.
Gayundin, nakita ko ang aking asawa at kapatid na nasa mall at naglalaro sa kotse na hinuhulugan ng coins. Napapaisip na kasi ako, kaya sana ay masagot n’yo. Salamat!
Naghihintay,
Sarah Jane
Sa iyo, Sarah Jane,
Kahit naman sino ay mapapaisip sa mga kuwento mo na malimit magtanong ang iyong asawa tungkol sa kapatid mo. Pero ikaw ay mas mapapaisip talaga dahil napanaginipan mo na silang dalawa ay masayang magkasama sa mall. At kung idaragdag pa ang napanaginipan mo na mas maganda kaysa sa iyo ang iyong kapatid, mas malamang na buong araw ay magulong-magulo ang isip mo.
Kaya naman masasabing sa panahong ito ay pinaghaharian ka ng selos. Mainam na ang nagtatapat sa iyo dahil madalas, ang selos ay may katotohanan. Pero siyempre, hindi naman palaging ito ay tamang basehan.
Mas magandang obserbahan mo ang mga kilos at galaw ng asawa mo, gayundin ang inyong relasyon, kung siya ba ay nagbago o may mga pagbabago ba sa kanya.
At kung mas tumindi ang selos mo dahil sa resulta ng iyong pag-oobserba, narito ang puwede mong gawin:
Huwag mo nang patirahin sa inyo ang kapatid mo kung sakaling siya ay kasama n’yo sa bahay.
Huwag mong kalimutan na ang pinagseselosan ay wala namang kasalanan, maliban na lang kung siya mismo ang umakit sa asawa mo. Ibig sabihin, tanungin mo ang iyong sarili, mahilig ba talaga ang mister mo, kumbaga, siya ba ay babaero? Dito sa huli, wala kang dapat sisihin kundi ang iyong sarili dahil bakit siya pa ang pinili mong mapangasawa kung babaero pala siya? Pero ang isa sa lihim na katotohanan sa mga pag-aasawa ay hindi dapat sumobra sa kanyang mga kasalanan ang mister. Ito ay dahil posibleng magrebelde ang misis kung saan puwede siyang magkaroon ng lihim na karelasyon.
Siyempre, masama ang ganu’n kaya huwag mong gagawin. Pero kapag nagkabistuhan na kayo, tiyak na siya ang magsisisi.
Kaya ang payo ay huwag mo nang hintayin pang lumala ang sitwasyon. Ang dapat at magandang gawin ay mapaglayo mo ang dalawa — ang iyong kapatid at mister dahil kung hindi ito mangyayari, tiyak na masisira ang buhay n’yong mag-asawa.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentários