top of page
Search

DTI sa retailer ng bigas: 'Di naman kayo lugi, wala lang kita

BULGAR

ni Mylene Alfonso @News | September 3, 2023




Umapela ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga retailer ng bigas na magsakripisyo na muna kaugnay sa bagong ipapataw na price ceiling sa presyo ng bigas sa darating na Martes, September 5.


"Hinihingi ng pamahalaan ‘yung sakripisyo ng mga retailers, tumulong din sila sa mga mamamayan, sa nakakarami," pahayag ni Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero sa Saturday News Forum sa Quezon City.


Ayon kay Uvero, batay sa kanilang kalkulasyon, hindi naman malulugi ang mga retailer kung ibebenta nila ang bigas sa mas mababang presyo, ngunit mawawalan lamang umano sila ng kita.


"Based sa computation namin puwede kasing ibenta pa na siguro hindi naman lugi baka wala nga lang kita. So again, tama, kailangan magsakripisyo 'yung mga rice retailers natin," sabi ni Uvero.


Una rito, inilabas ang Executive Order No. 39 na nagtatakda sa P41 ang regular milled rice habang P45 kada kilo sa well-milled rice na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ani Uvero, ‘temporary’ lamang ang nasabing price cap at kalaunan ay makakahanap din sila ng long term na solusyon.

Manggagaling din aniya ang rekomendasyon sa Department of Agriculture (DA), DTI o Price Coordinating Council kung aalisin na ang price cap sakaling mag-stabilize na ang presyo.


"So, kahit iyong ating mga economic officials or economic cluster ng team, malinaw ang ano natin na temporary lang ito. This will not even be the solution to the problem, this is not a solution to the problem – this is a temporary measure and sooner than later aalisin din ito," paliwanag pa ng opisyal.


"Short term lang talaga ito, short term lang. Baka nga, kasi magha-harvest season na rin eh, so anihan na baka bago mag-anihan baka magbago na iyong mga numero, tatanggalin na ito," dagdag pa ni Uvero.


"So by Tuesday, DTI, DA the LGUs will now start monitoring the prices of these two categories of rice. Mayroon pong mga rice varieties na mas mura pa rin lalo na iyong mga mataas iyong porsyento ng mga broken or mahinang klase talaga ng bigas. Mayroon din pong mga bigas na mas mataas pa rin, ito iyong mga premium rice natin. Iyong iba gusto iyong mabango at malambot at masarap na kanin, so hindi bawal iyon, mayroon pa ring ganoon. Ang sinasabi natin ay ang well-milled at saka regular-milled ay P41 at P45, iyon po. So by next week iyong DA, DTI and LGUs will start visiting the major markets in major cities," dagdag pa ni Uvero.



0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page